Alamat
ni Tungkung Langit
Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman
talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit
ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng
buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw
ng daigdig ng mga tao.
Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong
makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo
ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At
paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang
buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak
na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya
ng isip ni Tungkung Langit.
Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang
kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay,
maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko
namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung
Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin
ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig
na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y
nagniniig.
Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig
niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa
daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.
Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang
daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa
aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa
paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa
aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung
naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.
Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin
sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing
tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na
si Tungkung Langit.
Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig
kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa,
kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa
napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang
mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay
hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa
ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”
Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung
Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala,
bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga
tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming
pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon
ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.
Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit
sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang
umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo
ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad .
“Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin
pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.
Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking
mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa
aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak.
“Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit.
“Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka.
Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking
minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang
matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at
nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang
kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa.
Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na
hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala.
Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.
“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?”
asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng
aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin.
Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang
bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang
kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.
Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na
anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong
lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad
ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.
Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na
hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang
paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking
maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking
matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang
piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa
akin. Ngunit hindi.
Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang
kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang
kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at
paglimot sa sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming
tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang
dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si
Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray.
“Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting
bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at
inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya.
Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming
pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang
pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili
siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking
pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong
maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi.
Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang
maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid
ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking
katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na
nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling
ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil,
maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli
siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang
paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong
alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko.
Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga
hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa
ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.
Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay
nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha
nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang
pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng
malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang
pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung
Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.