AANHIN NINO ‘YAN?
(Teoryang Eksistensyalismo)
Vilas Manwat
Salin ni Luwalhati Bautista
Si
Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw
na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang
bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang
kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang
naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang
nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang
pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.
Mahilig
siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari
pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya:
“Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.”
Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay
gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng
kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin
mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa
iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa
kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen;
makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi
ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob
ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.
Pag
maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini,
nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong
bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.”
Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero
eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng
mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang
negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang
tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang
mabilis.”
Ang
sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa
kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag
pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.
Ang
mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng
gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay
Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong
nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya
nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa
amin.”
Isang
gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan.
Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na
pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong
maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot,
naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito
maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.
“Iabot
mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman
meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao
sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at
pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na.
pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”
Hindi
nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na
parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa
baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka
nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay
nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit
ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi
ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na
may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash
dito; higit pa. . .kunin mo na.”
Inilagay
niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob
na hipuin iyon.
“Bakit
hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam
kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako
naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan
niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan.
Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot.
Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao
ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong
bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa
harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo
kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na
ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo
ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang
baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot
at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang
ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay
ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata.
Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa
kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.
“Dapat
na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.
“Huwag
kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang
inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat.
Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan,
pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki;
kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung
desperado.”
Naupo
ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako
nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo,
pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng
sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat
ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong
kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”
“Lahat
ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento,
pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.
“Hindi,
malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo
ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin,
sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay
na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat,
at paalam.”
“Hindi
mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang
makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang
mga pinaniniwalaan mo?”
Walang
pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta
ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko
alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan.
Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak;
hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang
tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa
mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng
pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay,
kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at
ngumiti.”
Tumango
nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung
minsan.”
“Kaya
mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na
ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang
anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong
magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam
akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula
sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo,
sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”
“Nagbabasa
ka ba ng libro?”
“Dati.
Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam
na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan!
Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga
istorya.”
Hinimas
ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai
Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang
pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y
punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi
ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at
moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang
napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na
hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang
aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo
at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may
natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya,
kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba,
kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na
pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon
ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot
kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang
kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y
nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad
ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko,
hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay
na gusto kong tuntunin.”
Mukhang
naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at
pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari
ng tindahan.
“Sana’y
kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang
lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang
iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang
baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga
kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala
silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y
walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”
Ngumiti
nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik
ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril.
‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”
Nawala
sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para
bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili
niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento