“INUUOD NA BISIG SA TIYAN NG BUWAYA”
(Maikling
Kuwento — sinulat noong dekada ‘60 ngunit malaganap na nangyayari ngayon)
1.
LUPA
MAAGANG
TUMAKAS ang ulan sa mga ulap at ang nakangangang mga bitak ng bukiring iyon na
nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakal ay unti-unting
nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol
na nagbaon sa buong panahon ng tag-araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay
nagsimulang umahon at gumapang patungo sa mga pinitak. Nagkagulo ang mga ibon,
nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang
punongkahoy. Nag-utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at sa loob lamang ng
ilang araw, ang dating naninilaw na bukirin ay naging luntian.
Sa
mga dampa na halos nakikipagtanawan lamang sa nagsisiksikang mga barungbarong
na nasa magkabilang gilid ng daangbakal, ang nalalabing mangilan-ngilang
magsasaka’y nagsipaglinis na agad ng mga yugo at araro at suyod, lumubid ng mga
pamitik, at ng mumunting mga pangarap. Inihanda na rin ng mga babae ang mga
basket na sisidlan ng pagkain, nagsipamintana sila, nangalumbaba, at pinagmasdan
nila ang masinsing mga patak ng ulan at ang luntian nang kabukiran. Natuwa at
naghubad ang mga bata, naghabulan at naligo sa ulan, nagpagulung-gulong at
nagtampisaw sa may tubig nang mga pinitak. Naginaw ang mga dampa, umiyak ang
mga bubong na pawid, at nabasa ang mga sahig na kawayan.
Umulan,
umulan nang umulan, hanggang ang kabukirang iyon ay nagmistulang isang munting
karagatang hindi umaalon. Inayos na ng mga magsasaka ang kanilang mga salaan at
punlaan, inihanda ang mga binhi, pinasan ang mga araro, isiningkaw ang mga
kalabaw at sinimulan na nilang sugatan ang malambot at hindi na tumututol na
dibdib ng lupa hanggang isang araw, bigla na lamang sumulpot sa kabukirang iyon
ang katiwala ng may-ari ng mayamang lupang iyon.
“H’wag
na kayong mag-araro pa,” sabi nito. “H’wag na kayong magtanim ngayon.”
“Ba’t
po, Kabesa? Nakapagpunla na kami.”
“Wala
tayong magagawa. Pinalalayas na kayo rito ng me-ari.”
“Ba’t
po, Kabesa? Ba’t po?”
“Namahal
na raw ang lupa dito at gusto na niyang ipagbili.”
“Pero,
Kabesa, nakapagpunla na kami. Naararo na namin ang ilang sangkal. Saka matagal
na naming sinasaka ‘to.”
“Ano’ng
magagawa natin? Di naman inyo ang lupang ito, di rin naman akin.”
“Maawa
kayo sa amin, Kabesa. Ipakiusap n’yong huwag muna kaming paalisin dito. ‘Ala po
kaming malilipatan agad. Saka ang aanihin namin sa taong ‘to ang s’ya po lang
naming inaasahan. Ma’wa po kayo sa amin, Kabesa.”
“Naaawa
nga ako sa inyo, pero talagang wala akong magagawa. Me katrato na raw siyang
bibili nito. Maliit daw naman ang inaani ng bukid na ito.”
“Pero
h’wag po muna ngayon, Kabesa. Sabihin po n’yo sa me-ari na pagkatapos na ng
anihang ito. Pakiusapan po ninyo siya, Kabesa. Parang awa n’yo na po sa amin!”
“Talagang
wala na tayoing magagawa. Sa Agosto na sila magbabayaran dahil gusto noong
nakabili na makapagtayo na agad dito ng pabrika. ‘Yong parteng silangan ay
gagawin namang subdibisyon.”
“Di
na po kami kakain sa taong ito, Kabesa. Parang awa n’yo na po. Gawin po ninyo
ang inyong magagawa. Tulungan n’yo po kami, Kabesa!”
NANG
gabing iyon, matagal na pinagmasdan ng mga magsasaka ang madilim na kalawakan
ng bukid. Matagal silang namalagi sa bintana ng kanilang mga dampa, halos hindi
sila kumukurap, nakatikom ang kanilang mga labi at, sa palababahan, malimit
humigpit ang pagkakakapit ng lipakin nilang mga palad. Iniwasang lapitan ni
kausapin ng mga babae ang kani-kanilang asawa, nakaupo lamang sila sa
pinakamadilim na sulok ng kanilang dampa, nakatungo, at manakanakang sumusulyap
sa nag-indak-indak at waring namamaalam nang ningas ng mga gasera. Tahimik
maging ang mga bata, nakatunganga sa kanilang ama’t ina, at maagang nagsitulog
nang mapansing ang katahimikan ay nakakumot sa kapaligiran.
Ngunit
kinabukasan, maagang nagsibangon ang mga lalaki, inihasa ang kanilang mga itak,
isinaksak sa takyaran, muling pinasan ang kanilang mga araro, muling isiningkaw
ang mga kalabaw, at muling sinugatan ang dibdib ng lupa. Lumabas din sa bukid
ang mga babae, tinalunton ang madulas na mga pilapil, hinatiran ng pagkain ang
mga lalaki, at tahimik na nagsibalik sa kani-kanilang dampa. Malabong latay na
lamang ang liwanag sa kanluran nang umuwi ang mga lalaki, akay-akay ang
kanilang mga kalabaw.
Hindi
iilang ulit na nagbalik ang Kabesa sa kabukirang iyon, hindi iilang ulit na
sinabi sa mga magsasaka na ipagbibili na ng may-ari ang lupang iyon, at
paulit-ulit, paulit-uilit din namang nagmakaawa ang mga magsasaka, hanggang sa
sumawa na sila sa pagmamakaawa at, sa bawat araw, lalo na nang maitanim na nila
ang mga palay at magsimula na iyong tumaas nang tumaas at lumunti nang lumunti,
tumalim nang tumalim ang dati’y maaamo nilang mga mata at tumigas nang tumigas
ang dati’y malalambot nilang mukha.
“Subukan
nilang ngayon tayo palayasin! Di nila tayo mapalalayas dito hanggang di tayo
nakakagapas,” sabi minsan ni Lino, isa sa ilang kasibulang magsasaka sa
bukiring iyon. “Alam kong me karapatan tayo sa lupang ito, sa mga palay na
iyan, dahil matagal na tayo rito, dahil matagal na nating sinasaka ito. Pero di
ko nga lang alam kung ano ang karapatan nating iyon.”
“Kapag
nagkamaling magpunta rito ang anak ng putang me-ari ng lupang ‘to o ang
sinumang demonyong nakabili nito,” sabi naman ng isang matandang mga animnapung
taong gulang na, “di ako mangingiming ibaon siya sa pinitak. Araw-araw kong
inihahasa ang aking itak!”
“Ang
dugo naman niya ang ipatataba ko sa palay!”
“Subukan
lang nilang palayasin tayo rito. Subukan lang nila! Pagpuputulan ko sila ng
bayag!”
“Basta’t
huwag tayong umalis ke matapos man ang anihang ito!”
2.
MAKINA
GININTUAN
na ang bukirin at amoy hinog na palay na ang hangin. Kumakaway na ang mga hutok
na uhay nito para anihin, at ang mga mayang umalis noong panahon ng tag-ulan at
naglakbay kung saan ay langkay-langkay na nagbalik sa kabukirang iyon at
umali-aligid sa papawirin. Matagal nang nagsipagbaon sa gilid ng mga pilapil
ang mga kuhol, at ang mga palaka ay hindi na nagsayaw at hindi na umawit. Higit
ngayong pinagmasdan ng mga magsasaka ang kabukiran at inihanda na nila ang
kanilang mga lingkaw at karit.
Nasa
hinog na mga butil ng palay ang mumunting mga pangarap, ngunit naroroon din ang
aali-aligid na mga pangamba, hanggang isang umaga, nang malapit na nilang
anihin ang mga palay, biglang-bigla, parang umaatungal na mga dambuhalang
balang na sumalakay sa bukid na iyon ang ilang buldoser, kasama ang ilang
armadong sundalo ng gobyerno. Kinagat nang kinagat ng matalim na ngipin ng mga
buldoser ang mga puno ng palay, nilamon nang nilamon ang mga uhay, at sa harap
ng kanilang mga dampa, ang mga magsasaka’y parang itinayong mga bangkay,
mahigpit lamang nilang hawak ang nagkikislapang mga itak, nakatiim ang kanilang
mga bagang, ang mga mata’y nakapako sa kawalan habang sa tabi nila, ang mga
babae ay nagpapanangisan samantalang ang mga bata ay nakatingin lamang sa
dambuhalang mga makinang iyon na patuloy sa pag-usad at pag-atungal.
Tinungkab
nang tinungkab ng mga buldoser ang nangakadipang mga pilapil, kinayod nang
kinayod ang bitak-bitak na dibdib ng lupa, hanggang sa maglaho ang mga damo at
sariwa pang mga puno ng palay na dating sumususo sa dibdib na iyon, hanggang sa
pumikit ang mga bitak at umalimbukay ang alikabok at nagmistulang isang maliit
na disyerto ang dating ginintuang kabukiran.
Lumisan
ang mga buldoser pagkaraan ng ilang araw, at lumisan na rin ang mga magsasaka;
ang iba’y sumiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa magkabilang gilid
ng daangbakal, at ang iba nama’y tumakas patungong lalawigan at napadpad kung
saan. Tanging naiwan sa dating bukiring iyon ang nagbalatay at salasalabat na
bakas ng mga gulong ng buldoser, hanggang isang katanghalian, sumunod na
dumating doon ang rumaragasang mga trak na may kargang eskombro at graba at
buhangin, at natakpan ang mga bakas ng buldoser, at nakumutan ng bato ang buong
disyertong bukid na iyon.
At
isang umaga, bigla na lamang iyong sinalakay ng maraming trabahador na buhat
kung saan, at nagtayo ang mga ito ng bodega doon. Sumunod na dumating ang
tala-talaksang tabla at yero at bakal at semento, at nagsimula ang kalantugan
at pukpukan, at halos sa araw at gabi, umaangil ang makinang lumalamon ng
graba’t buhangi’t semento na isnusuka nito pagkatapos sa uhaw na mga timba’t
baldeng isinasahod ng mga trabahador sa malaking bunganga nito. At makaraan
lamang ang ilang buwan, nagkahugis ang isang malapad at mababa ngunit mahabang
gusali na parang isang nakadapang dambuhalang nag-aabang ng anumang masisila.
Mula
sa bintana ng nagsisiksikang mga barungbarong kapag parang dugo nang kumukupas
ang mapupulang latay ng liwanag sa kanluran at nagsisimula nang umindak-indak
ang malamlam at malungkot na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong,
malimit mangalumbaba ang mga babae, matagal na tititig sa gusaling iyon na
parang malaking kabaong na batbat ng ilaw kung gabi, saka nila manakanakang
sinusulyapan ang mga lalaki. Malimit ding manaog, pagkahapunan, ang mga lalaki,
umpuk-umpok na magsisiupo sa gilid ng daangbakal, tititig sa gusaling iyon at
sa kadiliman ng daangbakal na tinatanglawan lamang ng naggalaw-galaw,
tumaas-bumaba, pumikit-dumilat na baga ng kanilang mga sigarilyo, halos paanas
silang mag-uusap.
“Pabrika
daw ng tela ‘yan at Kano ang me-ari.”
“Senga?”
“Oo,
Pare Malapit na raw buksan.”
“Totoo?”
“Oo!
Tiyak na maraming trabahador ang tatanggapin.”
“Matanggap
sana tayo kahit kargador, kahit d’yanitor, basta’t trabaho.”
“Sana
nga. Putrang ‘na, sawa na ako sa pagbubungkal ng basurahan. Nag-aamoy basura na
ako!”
“Ipapasok
ko naman sa eskuwela ang panganay ko para di lumaking gago.”
“Saka,
Pare, mataas daw magpas’weldo ang mga Kano.”
“Senga?”
“Oo.
‘Yon ngang isang pinsan ng asawa ko, nasa Amerika daw ngayon. Doon
nagtatrabaho. Me kotse’t bahay na raw agad. Saka mabait daw ang mga Kano.”
“E
kelan kaya magtatanggapan?”
“Ewan.
Basta’t malapit na raw.”
“Di
kelangan pala, magprisinta na tayo agad para di tayo maunahan ng iba?”
“Aba,
oo! Kaya nga, kelangan na huwag muna nating ipamalita ito sa iba. Sa inyo ko
lang sinabi ito dahil gusto kong sama-sama tayong magtrabaho doon.”
“Pag
natanggap ako, makabibili rin seguro ako ng bagong sapatos. Butas-butas na ang
s’welas ng anak ng putang sapatos ko!”
3.
UOD
ISA
si Lino Fajardo sa ilang magsasakang hindi tumakas sa kapaligirang iyon at mula
sa kanilang barungbarong ng asawang si Marta at ng kanilang dalawang anak na
lalaki, ilang hapon na ring malimit niyang tititigan ang kabuuan ng gusaling
iyon. Waring nagkabuhay ang mumunting mga pangarap na matagal na matagal na
nilang inilibing sa bukid at sa kalawanging riles ng daangbakal. Talos ni Lino,
gaya rin ng iba pang mga taga-daangbakal, na madilim ang gabi sa daangbakal, di
gaya sa pusod ng lungsod; madilim na madilim nga, naisip noon ni Lino, sapagkat
anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Talos din nilang lagi ngang may umaga,
ngunit lagi ring may gabi at, sa kanila, ang gabi at ang umaga ay iisa,
sapagkat iisa ang uri ng biyayang hatid sa kanila ng bawat pagsikat at paglubog
ng araw — ang gulanit na karalitaang sa kanila ay nakabalabal. At alam din
nila, kalimitan, higit nilang ibig ang gabi kaysa araw, sapagkat mabait at
mapagmahal ang gabi, di gaya ng araw, dahil pinahihintulutan silang matulog at
makalimot.
At
nang buksan ang pinto ng pabrikang iyon para tumanggap ng mga trabahador, isa
si Lino sa hukbo ng mga taga-barungbarong na sumalakay doon. Nang magsimula
siyang magpasan ng mga balumbon ng tela, waring namalas niya sa kabuuan ng
pabrika ang katuparan ng kanilang mumunting pangarap ni Marta para sa dalawa
nilang anak na lalaki. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, makalalayio din sila ni
Marta sa marusing at pangit na mukha ng daangbakal, matatakasan din nila ang
nakabibinging dagundong ng tren at ang madilim na gabi sa kapaligirang iyon.
Ngunit lumaki nang lumaki ang pabrikang iyon, yumaman nang yumaman ang may-ari,
tumaba at lumaki ang tiyan ng tagapamahalang si Mr. White at, sa bawat taon
naman, numipis nang numipis ang kanyang dibdib at unti-unting tumakas ang laman
ng kanyang mga bisig.
“Putang
‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nila kapwa trtabahador isang dapithapong
magkakasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang
kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niya namang
pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng
pabrika.”
“Tagahimod
kasi ng pundilyo ng me-ari ang putang ‘nang White na ‘yon!”
“At
‘ala ring konsensiya ang me-ari. At ubod pa ng s’wapang.”
“Pero
pinakikinabangan naman nila tayo. Dahil sa ‘tin kaya sila nabubundat, kaya sila
yumayaman.”
“Talagang
gano’n. Sila’ng me-ari. ‘Ala tayong magagawa.”
“Putang
‘na! Ba’t ‘ala? Magtayo tayo ng unyon!”
“Di
pinatalsik agad tayo ng mga anak ng puta? Aba!”
“E
kung patayin na lang natin si White?”
“Senga.
Ipalamon natin sa makina!”
“Mahirap
‘yan, mga Pare. Tayo rin ang mawawalan ng trabaho at impiyerno ang buhay sa
kalaboso. Galing na ‘ko sa putang ‘nang impiyernong ‘yon!”
“Pero
paloloko na lang ba tayo sa kanila?”
“‘Ala
tayong magagawa kundi magtiis.”
“Magtiis?”
“Oo.
Magtiis.”
“Lintik!
Magtiis? Habang panahon tayong lolokohin ng mga dermonyong ‘yon! P’we! At pag
namatay tayo, baka di pa tayo makabili ng kahit palotsinang kabaong sa s’weldo
natin.”
“Pero
sa ngayon, talagang ‘ala tayong magagawa kundi magtiis.”
“Magtiis
pa rin? P’we!”
‘DITO,
hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”
Bigla,
parang matalim na itak na tumaga sa utak ni Lino ang kabuuan ng maitim at
pandak at mataba nilang kapatas na kung tawagin nilang mga trabahador ay Mr.
Cruz. Marahas na sumugat sa kanyang pandama ang alingawngaw ng tinig na iyon,
waring saglit na ngumatngat sa kanyang laman at tumupok sa kanyang kaluluwa.
Kahit nakatalikod siya sa bunganga ng bodegang pinagmulan ng tinig na iyon,
natitiyak niya, nakita na naman siyang nagpapahinga ni Mr. Cruz sa pagbuhat ng
mga balumbon ng telang jikakarga sa naghihintay na trak ng pabrika.
Si
Mr. Cruz ang mga tainga at mata ni Mr. White at ayaw na ayaw nitong makitang
wala silang ginagawa kahit isang saglit. Marahil, kung maaari, huwag na silang
hihinga sa paggawa, sapagkat sa loob ng limang taong ipinaglingkod niya sa
pabrikang iyon, sa nakikita niya, parang mga kalabaw na pang-araro ang tingin
sa kanilang mga trabahador nina Mr. White at Mr. Cruz, at hindi miminsang
nasabi niya sa sarili na mabuti pa marahil kaysa kanila ang mga kalabaw,
sapagkat nakapagpapahinga, gayundin ang mga makinang panghabi ng tela, sapagkat
hindi panayan ang pag-andar, pinagpapahinga rin at nilinis at nilalangisan.
“Putang
‘na, dali ka, Fajardo! Masyado kang mabagal! Masyado kang tamad!”
Nasa
likod na ni Lino ang tinig na iyon at, sa iglap na sandaling iyon, waring
natadtad ng mga sugat ang buo niyang katawan, at nadama niyang nangapos ang
kanyang paghinga at humigpit ang kanyang pagkakayapos sa balumbon ng telang
akma niyang papasanin. Alam niyang nangangaloig ang kanyang tuhod —
matagal-tagal na rin niyang napapansin na numinipis ang kanyang dibdib at
parang may lumalamon sa laman ng kanyang mga bisig — at waring hindi na nga nya
kayang magbuhat pa ng gayong kabibigat na mga bagay, ngunit laging nakatambad
sa kanyang harapan ang hapis na larawan ng kanyang asawang si Marta at ng
dalawa nilang anak na lalaki na magpipitong taong gulang na ang panganay.
Naramdaman
niya ang paglalaban ng kanyang mga tuhod at ng bigat ng balumbon ng telang
kanyang pasan nang tunguhin niya ang naghihintay na trak ng pabrika sa bunganga
ng bodega at, kahit hindi siya lumilingon, alam niyang kasunod niya si Mr. Cruz
, naglulumiyad ang malaking tiyan sa pahilahod na paglakad at nakapako sa kanya
ang medyo singkit na mga mata.
Waring
may init na humalukay sa kanyang dibdib at hindi niya napigilan ang abut-abot
na paghingal matapos niyang maibaba sa maruming suwelo ng trak ang pasan niyang
balumbon ng tela. Saglit na nag-apuhap ng hangin ang kanyang bibig at ilong at
bahagyang nabawasan ang init na humahalukay sa kanyang dibdib. Alam niya,
pagharap niya sa bunganga ng bodega, makikita niya ang pangit na kabuuan ni Mr.
Cruz, at parang hindi niya magawang takasan ngayon ang nakatatakot na
alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan; ang kapeng walang gatas at
matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw na inuulaman ng tuyo o asin kung gabi,
ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta na waring humihingi ng awa sa
nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong na
nangakalibing sa magkabilang gilid ng kalawangin at mahabang-mahabang
daangbakal na iyon.
Pinilit
niyang lupigin ang mga alalahaning iyon at, bigla, humarap siya ngunit
napauntol siya sa paghakbang nang lumagom sa kanyang paningin ang naglulumiyad
na tiyan ni Mr. Cruz, ang medyo singkit nitong mga matang may ibig ipahiwatig
at ang pagkakangkisi nitong nagpalabas sa malalaki at naninilaw na mga ngipin.
At sa saglit na iyon hinamig ng kabuuan nito ang nakataatakot na mga
alalahaning iyon.
“Parang
mahina ka na, Fajardo. Payat na payat ka na. Parang di mo na kayang
magtrabaho.”
“Malakas
pa ho ako, Mister Cruz. Malakas pa ho ako!” Alam niyang hindi iyon ang ibig
niyang sabihin, ngunit iyon ang iglap na lumabas sa kanyang bibig.
“Pero
bakit masyado ka nang mabagal? Isang balumbon ng tela, parang di mo na kayang
buhatin.”
“Kaya
ko pa ho, Mister Cruz. Malakas pa ho ako. Kaya ko pang magtrabaho. Saka… saka…”
Ngunit nabilanggo lamang sa kanyang lalamunan ang iba pang mga salita nang
nakangising tumalikod si Mr. Cruz at wala siyang nagawa kundi sundan ng tingin
ang pahilahod nitong paglakad patungo sa plantang habihan ng tela at, ngayon,
lalong naging marahas ang pagdaluhong ng mga pangamba. Sa kanyang utak,
naggigitgitan ang maraming salitang hindi magkapuwang sa kanyang lalamunan.
Parang ibig niyang pasukin ang opisinang air-conditioned ni Mr. White at kahit
sa papilipit na Ingles na nalalaman niya, buong tapang na sabihin sa harap
nito: “Go to hell! You dog! You salumbebet!”
MULING
nadama ni Lino ang pangangalog ng kanyang mga tuhod nang magbalik siya sa
bodega ng tela at sumisigid at humahalukay na naman sa loob ng kanyang dibdib
ang hindi mawaring init na iyon na nagpapasikip sa kanyang paghinga. Warfing
may matitigas na daliring unti-unting sumakal sa kanya, at nagsimulang
maglandas mula sa kanyang noo at sentido ang malalamig na mga butil ng pawis,
at lalo niyang nadama na higit na kailangang apuhapin ng bibig niya at ilong
ang amoy-telang hangin sa loob ng bodegang iyon.
Kailangan
nilang apurahin ngayon ng tatlong trabahador na kasama niya sa bodegang iyon
ang pagbabalumbon at pagkakamada upang kung dumating ang trak — na natitiyak
niyang darating sapagkat sinabi ni Mr. Cruz na maraming pumedido sa araw na
iyon — handa na ang mga iyon para ikarga nila sa trak. Napansin niyang
pinagmamasdan siya ng kanyang mga kasamahan nang damputin niya ang kahoy na
pag-iikiran ng tela, at nabakas niya sa mata ng mga iyon ang isang uri ng
pangamba.
“Namumutla
ka, Lino.”
“Saka
humihingal ka. Magpahinga ka muna. Kami na ang bahala dito. Di pa naman seguro
darating ang trak.”
“Senga.
Baka kung mapaanio ka pa. Aba, mahirap na ang magkasakit. Baka tanggalin ka pa
ni Mr. Cruz.”
Bigla,
parang may nabuhay na lakas na nagbigay-init sa kanyang dugo; pinilit niyang
lumapit sa kamadahan ng tela, ngunit hindi pa siya nakatatatlong hakbang,
iginupo siya ng nangangalog niyang mga tuhod at napalugmok siya sa sementadong
lapag ng bodega. Naramdaman niyang parang idinuruyan siya sa hangin, waring
nilalagom ang kanyang kamalayan ng manipis na karimlang lumukob sa kanyang mga
mata. Ilang saglit din siyang nag-apuhap sa kawalan, sumisid sa isang kalalimang
hindi niya maarok. At nang dumilat siya, nakasandal siya sa isang panig ng
kamada ng mga tela at pinapaypayan siya ng kanyang mga kasamahan.
“Sabi
na sa iyong magpahinga ka na muna. Putlang-putla ka, e!”
Tinig
iyon ni Kardo, alam niya, kahit hindi pa niya gaanong mabanaagan ang mukha
nito. Hiigit na malinaw na nakikita niya ngayon ang hapis na mukha ni Marta at
ng kanilang dalawang anak na lalaki, at ang nakatatakot na larawan ng mga
alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan.
“Kung
kaya mo na ang katawan mo, umuwi ka na muna. Bukas ka na bumalik. Kami na ang
bahalang magpaliwanag kay Mister Cruz.”
“H’wag,
h’wag n’yong sasabihin sa kanya ito. Walang anuman ito. Nahilo lang ako.” Hindi
siya nahilo lamang; alam niyang may kung anong makapangyarihang lakas na
sumasaklot sa kanyang dibdib tuwing siya’y mahahapo, at naisip niyang kapag
dumating ang trak, hindi na niya kayang tagalan pa sa araw na iyon ang
paghahakot sa mga balumbon ng tela. At kung makita siya ni Mr. Cruz? Maririnig
na naman niya ang tinig na iyon: “Dito, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis!
Konting bilis!”
Ginagap
niya ang impis na niyang dibdib, hinimas-himas niya iyon na parang ibig niyang
maibalik ang tumakas na laman doon, at naidalangin niyang huwag sana munang
dumating ang trak, huwag sana munang pumasoik sa bodegang iyon si Mr. Cruz,
Minasdan niya ang kanyang mga bisig na parang itinatanong kung kaya pang
pumigil at magbaba ng balumbon ng tela sa trak, at pilit na umiwas ang kanyang
utak sa pagyakap sa katotohanang ipinaghuhumindig ng impis na niyang dibdib at
ng nangangalog niyang mga tuhod.
Hindi
niya malaman kung gaano katagal siyang namalagi sa pagkakasandal sa kamada ng
tela hanggang sa madama niyang parang ganap nang tumakas ang matitigas na
daliring sumakal sa kanyang kangina; waring tumakas na rin ang humihiwang init
sa kanyang dibdib, ngunit sa kanyang utak, nakabilanggo pa rin ang kapeng
walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw, ang malamlam at
malungkot na mga mata ni Marta, ang madilim na gabi sa pangit na mukha ng
daangbakal.
Humagupit
sa kanyang pandinig ang atungal ng dumarating na trak, lumakas ang atungal na
iyon, sumiksik sa kanyang kamalayan, hanggang ligisin niyon at dikdikin ang
kanyang utak, hanggang muling marahas na dumaluhong ang mga pangamba. Bigla,
napatayo siya; tiningnan niya ang kanyang mga kasamahan na patuloy sa pag-aayos
ng mga balumbon ng telang dadagan sa tumututol nilang mga balikat.
“Karga
bola! Karga bola!”
Nakatayo
na sa bunganga ng bodega ang tsuper ng trak na iyon, at natambad sa kanya ang
nakaabang na puwit ng trak sa di kalayuan sa bungangang iyon.
“Maghintay
ka! H’wag kang apurado!” Si Kardo ang sumigaw at nakita niyang nasa balikat na
nito ang isang balumbon ng tela. Saglit itong tumigil sa tabi niya. “D’yan ka
na lang muna hangga’t ‘ala ang demonyong si Mister Cruz.”
Tiyak,
naisip niya, darating si Mr. Cruz, sapagkat ugali na niyon na gumala-gala sa
buong pabrika na parang hayiop na nag-aabang ng sinumang masisila. Lagi nang
mahaba ang dila niyon, lagi nang nanlilisik ang medyo singkit na mga mata kapag
nakakikita ng mga trabahador na walang ginagawa. Ilan na sa kanila ang
isinumbong nito kay Mr. White na agad na itinaboy at pinalayas sa pabrikang
iyon.
“Karga
bola! Karga bola!”
Naisip
niya, siya marahil ang sinisigawan ng tsuper na iyon. Baka akalain niyon na
nagtatamad-tamaran lamang siya at isumbong siya kay Mr. Cruz. Nilapitan niya
ang isang balumbon ng tela sa kamada; saglit niyang minasdan iyon at hindi nya
naiwasan ang mangamba. Pilit niya iyong pinasan at muli niyang nadama ang
pangangalog ng kanyang mga tuhod at waring pagsuko ng kanyang mga balikat.
Dinalangan
niya ang kanyang paghakbang; parang ibubuwal siya ng bigat ng kanyang pasan at
biglang humiwa na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na
iyon jna nagpapasikip sa kanyang paghinga at bahagyang nagpapalabo sa kanyang
paningin. Unti-unti, parang may matitigas na daliring sumasakal na naman sa
kanya, at hinabol niya ang kanyang paghinga.
Tumindi
ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at, nang malapit na siya sa puwitan ng
trak, bigla siyang nasungaba. Ngumudngod ang kanyang bibig sa lupa at nabitiwan
niya ang balumbon ng telang kanyang pasan. Sa kanyang dibdib, nag-aalimpuyo ang
init na iyon at napakagat siya sa maputik-putik na lupa. Naramdaman niyang may
gumagapang na kung ano sa naputikan niyang labi. Dinilaan niya iyon at nang
kanyang ibuga, nakita niya ang isang malaking uod na pakiwal-kiwal na
gumagapang palayo sa kanya. Nang iangat niya ang kanyang tingin, tumambad sa
kanya ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz. Pinilit niyang tumayo, ngunit muli
siyang nasungaba.
“Talagang
mahina ka na, Fajardo. Talagang di mo na kayang magtrabaho.”
Malinaw
na malinaw sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ni Mr. Cruz at parang matalim
na itak iyong sumugat sa buo niyang katawan at kaluluwa. Nabanaagan niyang
papalayoi ang mga paa ni Mr. Cruz at gumagapang, gumagapang na pilit niyang
sinundan ang mga paang iyon.
“Hintay, Mister Cruz! Malakas pa ho
ako! Malakas pa ho ako! Sabihin n’yo kay Mr. White, malakas pa ho ako!”
Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.
Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento