Banyaga
Liwayway A. Arceo
Mukhang artista!
Artista nga ba? Artista?
Mula nang dumating
si Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila
ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit isang taon; kung
Araw ng mga Patay at kung Pasko. O, napakadalang nga iyon, bulong niya sa
sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumikibo at tumitingin sa
kanya ay iyon din ang katunayang (wala nang kumikibo) wari ay nababasa niya sa
bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin
sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod
ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok. Hindi
ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya.
- Serbesa ba ‘kamo
bata ka, ha?
Ngumiti siya,
kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito,
idinugtong niya ang paliwanag, hindi naman masama ang amoy, Nana.
Ngayon sa kanyang
pagtindig ay hindi maikaila sa kanya ang pagtugon ng tingin nito sa kanyang
suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang
balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na
dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa
laylayan nito na may gilit upang makahakbang siya.
- Ibang-iba na
ngayon ang…lahat!… at naulinigan niya ang buntung-hininga na kumawala sa dibdib
ng matanda niyang lola.
Napangiti siya.
Alam niyang iyon din ang sasabihin ng kanyang ama na sa pagkakaalam niya ay
hindi naging maligoy minsan man sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang
sabi ng kanyang Ate Sedes. At ng kanyang Insong Edong, ang balo ng kanyang Kuya
Mente. At ang kanyang apat na pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita
siya kanginang nakatoreador ng itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya
ng kanyang mga kanayon, mula sa ulong may taling bandana, sa kanyang salaming
may kulay, hanggang sa kanyang mga kukong mapula sa paa, na nakasungaw sa
step-in na bukas ang nguso.
- Sino kaya’ng
magmamana sa pamangkin mo… matalino.
- Sinabi ko naman
sa Inso…Ibigay na sa akin…papag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisa naman ako. Ang
hirap sa kanila…ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni
Inang…noon… kung natakot ako sa iyakan…Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang
hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang
dibdib.
- E..oo nga… Walang
anu-ano’y ayon ni Nana Ibang - Tigas nga namang iyakan nang lumuwas ka…
- Noon pa man, alam
kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na ‘yon kung
hindi ako nakakasigurong kaya ko ang eksamen?
Hindi sumagot si
Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumamping panyolito sa kanyang batok. -
Pinagpapawisan ka na, a. Ano bang oras ang sabi ni Duardo na susunduin ka?
Alas tres daw.
Hanggang ngayon ba’y ganoon dito? At napangiti siya. Alas tres o alas singko.
Alas kwatro na, ah! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang
kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika…
- Naiinip ka na ba?
agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinasabi.
- Hindi sa naiinip,
e. Dapat ay nasa oras ang salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik ngayon sa
Maynila.
- Ano? K-kahit
gabi?
Napatawa si Fely.
–Kung sa Amerika… nakapunta ako at nakabalik nang mag-isa, sa Maynila pa? Ilang
taon ba ‘kong wala sa Pilipinas? Ang totoo…
Biglang nauntol ang
kanyang sasabihin nang marinig niya ang mahinang tatat ni Nana Ibang. At nang
tumingin siya rito ay nakita niya ang kulimlim na mukha nito. At biglang-bigla,
dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina. Ang
pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing
pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa
kanyang pamangkin. Ibinukod siya ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at
malinis na kumot na ginawang mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang
sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng
tubig, kasunod ang isa niyang pamangkin na sa pangalan at larawan lalo niyang
kilala sapagkat patuloy ang kanyang kaharap nang sabihin niyang magkakamay
siya.
- Ayan naman ang
kubyertos…pilak ‘yan… -hiyang-hiya na sabi ng kanyang hipag. –Yan ang uwi
mo…noon…hindi nga namin ginagamit…
Napatawa siya. –
Kinukutsara ba naman ang alimasag?
Nagsisi siya
pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng
kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba
nagbagong-loob, di sana’y nalitson ang biik sa silong. Kasi…sabi…hindi ka raw
darating…
Wala nga siyang
balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niyang ngayon lamang gagawin ang
gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring
hindi niya matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga
Nagsipagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga
titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na
nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si
Fely nang marinig ang busina ng isang tumigil na sasakyan sa harap ng bahay.
Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa
bayan, sa gusali ng paaralan.
Hindi muna niya
isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
- Sa kotse na, ang
sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya sinabi: Baka ako masilat… Baka ako
hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang
pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod
niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming mukhang
nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaking nang
mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napakunot ang noo niya.
- Ako nga si
Duardo!
Pinigil niya ang
buntunghiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay
iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang
tsinelas na hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng
tsuper ito naupo.
- Bakit hindi ka
rito? tanong niya? Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. May presidente ba ng
samahan na ganyan?
A…e…-Hindi
kinakailangang makita niyang nakaharap si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita
nito ang panginginig ng labi. A… Alangan na ‘ata…
Tumigas ang mukha
ni Fely. Nagtiim ang kanyang kalooban. Si Duardo ang tanging lalaking naging
malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang
pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagsisipagtapos.
- Natutuwa kami at
nagpaunlak ka… Walang anu-ano’y sabi ni Duardo. Dalawampu’t dalawang taon na…
- Huwag mo nang
sabihin ang taon!- nagtatawang sabi ni Fely. Tumatanda ako…
- Hindi ka
nagbabago, sabi ni Duardo. Parang mas…mas…bata ka ngayon. Sayang… hindi ka
makikita ni Monang…
- Monang? napaangat
ang likod ni Fely.
- Kaklase natin… sa
apat na grado. paliwanag ni Duardo. Kami ang… at napahagikhik ito. –Kamakalawa
lang niya isinilang ang aming pang-anim…
-
“Congratulations!” pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang
naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.
- Magugulat ka sa
eskuwela natin ngayon. Patuloy ni Duardo nang hindi siya kumibo. Ibang-iba
kaysa…noon.
- Piho nga,
patianod niya. Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa
‘kong nagmamadali…
Bagung-bago sa
kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana
ng sasakyan ay nakita ang mga matang nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang
salaming may kulay. Tila hindi na niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng
mga sumasalubong sa kanya.
At nang buksan ni
Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtumining ang
kahungkagang nadarama niya kangina pa. At may sumungaw na luha sa kanyang mga
mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na siya makikilala pa ng pook na
binalikan niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento