Si Kesa at si Morito
(Teoryang
Feminismo)
Salin
ni Lualhati Bautista
Mula
sa "Rashomon" atbp. Pang Kuwento
Ni
Ryunosuke Akutagawa
UNANG
BAHAGI: MONOLOGO NI MORITO
Sa pagkakatingin sa buwan habang nag-iisip,
naglalakad si Morito sa ibabaw ng mgalagas na dahon sa makalabas ng bakod ng
kanyang bahay:
Sumikat na ngayon ang buwan. Karaniwang hinihintay
ko nang may pagkainip ang pagsikat ng buwan. Pero ngayong gabi, ang maliwanag
na sikat ng buwan ay yanig na sumusindak sa akin. Kinikilabutan akong isipin na
ang gabing ito ay magwawasak sa aking kasalukuyang sarili at gagawin akong
isang karumal-dumal na mamamatay-tao. Isipin na lang kapag ang mga kamay na
ito'y namula sa dugo! Anong kasumpa-sumpang nilalang ang magiging tingin ko sa
aking sarili kapag nagkaganoon! Ang puso ko'y di mababagbag sa sakit kung
papatay ako ng isang kaaway na kinasusuklaman ko,pero ngayong gabi ay kailangan
kong patayin ang isang lalaking Hindi ko kinasusuklaman.
Matagal ko na siyang kilala. Kahit kamakailan ko
lang nalaman ang kanyang pangalan,
Wataru Saemonno-Jo, mula't sapul pa'y kilala ko na
ang kanyang magandang mukha.
Nang matuklasan kong asawa siya ni Kesa, totoong
sandali rin akong nag-apoy sa panibugho. Pero ngayon, ang panibugho ko'y napawi
na, Hindi nag-iwan ng anumang bakas sa aking isip o puso. Kaya para sa aking
karibal sa pag-ibig, wala akong pagkamuhi o masamang hangarin. Manapa, mabuti
ang isipin ko para sa kanya. Nang sabihin sa akin ng tiya ko, si Komorogawa,
kung paano niya pinagsikapan at pinagsakitang makuha ang puso ni Kesa, nakadama
ako ng simpatiya sa kanya. Naunawaan ko, na sa buong hangarin niya na
mapangasawa ito,pinaghirapan pa niyang matutong sumulat ng tula. Hindi ko maisip
na ang simple at nakababagot na lalaking iyon ay sumusulat ng mga tula ng
pag-ibig, at isang ngiti ang gumuguhit sa aking mga labi sa kabila ng damdamin
ko. Hindi ito ngiti ng pag-uyam; naaantig ako sa pagkamasuyo ng isang
lalaki na ginagawa ang lahat para makuha ang isang
babae. Posible pa rin na ang kanyang masimbuyong pag-ibig ang nagtulak sa
kanyang sambahin ang minamahal kong si Kesa ay nakapagdudulot sa akin ng
kasiyahan.
Pero mahal ko ba talaga si Kesa? Ang aming
pag-iibigan ay maaaring paghiwalayin sa dalawang baitang, ang nakaraan at ang
kasalukuyan. Minahal ko siya bago siya ikinasal kay Wataru, o iyon ang aking
palagay. Pero ngayong tumitingin ako sa aking puso, nakikita ko na marami akong
motibo. Ano ang gusto ko sa kanya? Siya ang klase ng babaeng kinadaramahan ko
ng mga hangaring makalaman kahit noong mga panahong ako'y wala pang
bahid-dungis. Kung mapahihitulutan ang eksaheradong pahayag, ang pag-ibig ko sa
kanya'y Hindi hihigit pa sa isang sentimental na bersyon ng motibong nagtulak
kay Adan sa piling ni Eba. Malinaw ito sa mga pag-aalinlangan ko na patuloy
siyang mahalin kung sakaling ang aking hangarin ay natupad. Bagamat nanatili
siya sa isip ko sa sumunod na tatlong taon pagkaraang maputol ang aming
ugnayan, Hindi ko tiyakang masasabi na mahal ko siya. Sa kasunod na
pakikipag-ugnayan ko sa kanya, ang pinakamalaking ipinagsisisi ko ay iyong
Hindi ko siya nakilala ng lubos. Pinarurusahan ng kawalang-kasiyahan, nahulog
ako sa kasalukuyang relasyon, na gumugimbal sa akin, gayunman, alam kong
mangyayari. Ngayo'y itinatanong kong muli sa akinsarili, "Mahal ko ba siya
talaga?"
Nangmakita ko uli siya tatlong taon pagkaraan, sa
pagdiriwang na kaugnay ng
pagkakayari ng Tulay ng Watanabe, ginawa ko ang
lahat ng paraan para Makita siya nang patago. Sa huli'y nagtagumpay ako. Hindi
lang ako nagtagumpay na makita siya, kundi inangkin ko pa ang kanyang katawan
na gaya ng pinapangarap ko. Sa pagkakataong iyon, ang panghihinayang na di ko
siya nakilala nang pisikal ay Hindi ang tanging nangingibabaw sa akin. Nang
maupo ako sa tabi niya sa nababanigang silid ng bahay ni Koromogawa, napansin
ko na malaking bahagi ng aking panghihinayang ang naglaho na. Malamang na ang
aking hangarin ay pinahina ng pangyayaring Hindi na ako malinis. Pero ang
pinakapangunahing dahilan ay
Hindi siya ang inaasahan kong magiging siya. Nang
magkakaupo kaming magkaharap, natuklasan ko na Hindi siya ang imahen ng
malabantayog na kagandahang binuo ko sa isip sa nakaraang tatlong taon. Malayo
siya sa idolong pinakaasam-asam ko sa aking puso. Ang kanyang mukha, na makapal
na nakukulapulan ng matingkad na pulbos, ay pinaglahuan na ng
malaking bahagi ng dating kasariwaan at makinis na
panghalina. Sa ilalim ng mga mata niya'y nakahugis ang nangingitim na guhit.
Ang tanging Hindi nagbago sa kanya ay ang kanyang malilinaw, bilog,maiitim na
mga mata. Nang makita ko siya sa bagong paninging ito, nagimbal ako, at sa
kabila ng aking damdamin ay di ko napigilang iiwas ang aking mga mata.
Kung gayo'y paano ko nagawang makipagtalik sa isang
babaeng napakanipis ng pagkakabigkis ko? Una'y itinulak ako ng kakatwang
kagustuhan na mapangibabawan ang dating hangarin ng puso ko. Sa pagkakaupong
magkaharap, binigyan niya ako ng isang eksaheradong kuwento ng kanyang pag-ibig
sa kanyang asawa. Wala siyang iniwan kundi hungkag na alingawngaw sa aking
tainga. " Mayroon siyang hambog na ideya tungkol sa kanyang asawa,"
naisip ko. May hinala rin ako na maaaring ito'y tulak ng kanyang kagustuhang
huwag nang pagningasin pa ang aking pagnanasa. Kasabay nito, patindi nang
patindi ang dating hangarin kong ihantad ang kanyang kasinungalingan. Bakit
itinuturing ko iyong kasinungalingan? Kung sasabihin ninyo sa akin, minamahal
kong mambabasa, na ang sariling kayabangan ko ang nagtulak sa akin para
maghinalang kasinungalingan ang kanyang pahayag, Hindi ko maitatatwa ang inyong
bintang. Ano't anuman, pinaniniwalaan ko noon at pinaniniwalaan ko hanggang
ngayon, na iyon ay kasinungalingan.
Pero Hindi ang hangaring makapanlupig ang tanging
ngumangatngat sa akin nang mga sandaling iyon. Pinamumulahan akong banggitin
ito- pinangingibabawan ako ng pagnanasa. Hindi iyon basta panghihinayang lang
na Hindi ko nakilala ang kanyang katawan. Iyon ay hamak na
kalibugan mismo na ni Hindi nangangailangan na ang
kabilang panig ay maging ang babaeng iyon. Marahil ay walang lalaking umarkila
ng babae sa isang bahay-putahan na magiging mas hamak pa sa akin nang mga
sandaling iyon.
Ano't anuman, batay sa ganyang iba't ibang motibo,
nagkaroon ako ng relasyon kay Kesa. O, manapa, inalisan ko siya ng dangal.
Bilang pagbalik sa unang tanong na binitiwan ko, Hindi ko na kailangang itanong
pa ngayon sa aking sarili kung mahal ko siya. Nang matapos ang lahat,
sapilitang ibinangon ko siya aking mga bisig- ang babaeng ito na umiiyak na
ibinagsak ang kanyang sarili. At nagmukha siyang mas walang dangal kaysa sa
akin. Ang kanyang
nakasabog na buhok at nagpapawis na katawan, ang
lahat ay indikasyon ng
kapangitan ng kanyang isip at katawan. Hindi
kamaliang sabihin na simula nang araw na iyon, sa puso ko'y nagkaroon ako ng
bagong pagkamuhi sa kanya. At ngayong gabi'y papatayin ko ang isang lalaking
Hindi ko kinamumuhian, para sa kapakanan ng babaeng Hindi ko iniibig.
"Patayin natin si Wataru," bulong ko sa
tainga ni Kesa. Baliw na nga ako para gawin ang napakagarapal na mungkahing
iyon. Wala sa loob na inihiga ko sa tainga niya angnakaraang hangarin ko ns
hamunin ng labanan si Wataru at pagwagian ang kanyang pag-ibig. Ano't anuman,
"Patayin natin si Wataru," bulong ko, at tiyak na tiyak na bumulong
ako nang nagtatagis ang mga ngipin, sa kabila ng aking damdamin. Kapag naaalala
ko ngayon, Hindi ko masasabi kung ano ang nag-udyok sa akin para gawin ang
padalus-dalos na bagay na iyon. Ang tanging naiisip ko bilang paliwanag ditto
ay ginusto kong tagpian ang relasyon sa kasalukuyan, at habang tumitindi ang
paghamak at pagkasuklam ko sa kanya, lalo kong kinaiinipan na mawasak ko ang
kanyang dangal. Wala nang mas aangkop pa sa mga layuning ito kundi patayin ang
asawang ipinangangalandakan niyang mahal niya, at makuha ang kanyang
pagsang-ayon mula sa kanyang pagpapatumpik-tumpik. Kaya tulad sa isang lalaking
binabangungot, nakapanaig ako sa kanya na maisakatuparan naming dalawa ang
pagpatay na Hindi ko gusto.
Kung iyan ay Hindi sapat para ipaliwanag ang aking
motibo sa pagmumungkahing patayin si Wataru, wala nang paliwanag na dapat
tangkain, maliban sa isang kapangyarihang banyaga sa mga mortal (marahil ay
demonyo o diyablo) ang nagtataboy sa akin sa makasalanang daan.
Nagpupumilit at paulit-ulit na ibinulong ko ang ganoo't
ganoon ding bagay sa tainga niya.
Sa huli'y nag-angat siya ng mukha at sinabi,
"Oo, dapat mo ngang patayin si Wataru." Hindi lamang ako nasorpresa
sa biglang pagsang-ayon niya, kundi nakakita ako ng mahiwagang kinang sa
kanyang mga mata na Hindi ko napansin noon. Taksil na babae-iyon ang naging
tingin ko sa kanya. Gumuhit sa nag-iinit na utak ko ang iglap na pagkabigo at
paghihilakbot- at oo, pagkasuklam. Kung maaaari lang ay
babawiin ko ang pangako ko noon din. Sa gayo'y
mapangangalanan ko siyang mang-aapid, at ang aking kunsensiya'y
makapagkakanlong sa makatwirang pagngingitngit. Pero Hindi ko nagawa. Inaamin
ko
agad kong nakita na imposible iyon sa saglit na
bigla siyang tumitig sa akin. Nagbago na ang kanyang anyo, na para bang nakita
niya ang laman ng aking puso. Nahulog ako sa malungkot na kalagayanng
pakikipagtipan para paslangin ang kanyang asawa dahil sa takot ko na
paghigantihan niya ako kapag nabigo akong tuparin ang aking bahagi ko sa
usapan. Ngayon, ang takot na ito'y mahigpit at matatag na dumaklot sa akin.
Magtawa kayo kung ibig ninyo, sa aking karuwagan. Ito ang gawa ng isang Hindi
nakaaalam kung gaano kahamak ang kanyang kalaguyo. "Kapag Hindi ko pinatay
ang kanyang asawa, papatayin niya ako sa kahit na anong paraan. Kailangan kong
patayin ang kanyang asawa at kung Hindi'y papatayin niya ako," desperadong
naisip ko, sa pagkakatingin ko sa kanyang walang luha pero umiiyak na mga mata.
Pagkatapos kong bitiwan ang aking pangako, Hindi ba may nasilip akong ngiti sa
kanyang bibig at biloy na gumuhit sa kanyang maputlang pisngi? Ay, dahil sa
kasumpa-sumpang pangakong ito, idadagdag ko ang krimen na buktot na pagpaslang
sa pinakamaitin na pusong maaaring maisip. Kung tatalikuran ko ang nakatakdang
pakikipagtipan na magaganap ngayong gabi…. Hindi, ipinagbabawal
iyon ng aking pangako. Lagpas ito kaya kong batahin.
Isa pa, natatakot ako sa kanyang paghihiganti. Totoong-totoo ito. Pero may iba
pang nag-uudyok sa akin na gawin iyon. Ano ito? Ano ang malaking kapangyarihang
iyon na nagbubunsod sa akin, sa duwag na "ako," para patayin ang
isang inosenteng
lalaki? Hindi ko masasabi. Hindi ko masasabi. Pero
posibleng… Hindi, Hindi maaari. Pinandidirihan ko siya. Kinatatakutan ko siya.
Kinasusuklaman ko siya. Pero gayunpaman, maaari ring dahil mahal ko
siya.
Si Morito, na patuloy sa paglalakad, ay Hindi na
nagsalita pa. Ang pag-awit ng isang balada ay pumailanlang
sa gabi.
Ang isipan ng tao ay nasa dilim, Walang ilaw na
makapagbigay-liwanag.Nagsisindi ito ng apoy ng makamundong paghahangad, Upang
humayo at lumitaw, sa loob lang ng isang iglap.
IKALAWANG
BAHAGI: MONOLOGO NI KESA
Gabi, sa ilalim ng isang lampara, nakatayo si Kesa,
nakatalikod sa ilawan, nag-iisip nang malalim at kagat-kagat ang Manggas ng
kanyang kimono.
Darating ba siya o Hindi, ewan ko. Imposibleng
Hindi. Lumulubog na ang buwan, pero walang marinig kahit isang yabag, kaya
maaaring nagbago ang isip niya. Kapag Hindi siya dumating… Araw-araw akong
mabubuhay sa kahihiyan, tulad sa isang puta. Paano ako nalubog sa kahihiyan at
kasamaan. Mawawalan ako ng dangal at tatapak-tapakan na lang, sa pagkakabilad
ng kahihiyan ko. Gayunma'y kakailanganin kong manahimik na parang pipi. Kapag
nagkagayon ay dadalhin ko hanggang kabila ng libingan ang aking pagsisisi.
Sigurado akong darating siya. Mula noong nakaraang araw, iyon na ang aking
pananalig. Natatakot siya sa akin. Kinasusuklaman niya ako't pinandidirihan,
gayunpama'y natatakot siya sa akin. Talaga, kung ang aasahan ko lang ay ang
sarili ko, Hindi ako makasisiguro sa kanya.Pero maasa ako sa kanya. Umaasa ako
sa kanyang pagkamasarili. Umaasa ako sa buktot na takot na pinipukaw ng
pagkamakasarili sa kanya.
Pero ngayong Hindi ko na magawang umasa sa sarili
ko, napakahamak ko nang nilalang!
Hanggang noong tatlong taon na ang nakararaan ay may
tiwala ako sa akong sarili, at higit sa lahat, sa aking kagandahan. Mas matapat
kung sasabihin nating "hanggang noong araw na iyon" kaysa "noong
tatlong taon na nakararaan". Noong araw na iyong makita ko siya sa silid
ng bahay ng aking tiya, isang sulyap sa kanyang mga mata at nakita ko ang aking
kapangitan na nasasalamin sa kaniyang isip. Kinausap niya ako nang masuyo at
mapagmahal, na akala mo'y
walang problema. Pero paano pa maaaliw ang puso ng
isang babae sa sandaling matuklasan niya ang kapangitan ng kanyang pagkatao?
Nagimbal ako, nayanig, nagdalamhati. Di-hamak na mabuti pa ang nakasisindak na
pagkabalisang dala ng paglalaho ng buwan na nakita ko sa aking kamusmusan sa
mag bisig ng aking tagpag-alaga, kung ihahambing sa malamultong pagkalunos na
nagpakulimlim sa isipan ko nang mga sandaling iyon. Naglahong lahat ng pangarap
at
pangitain sa aking puso. Ang kalungkutan ng isang
maunos na madaling-araw ay tahimik na bumalot sa akin. Ngatal sa kalungkutan,
sa huli ay isinuko ko ang aking katawan, na para na ring patay, sa mga bisig ng
lalaking Hindi ko iniibig - sa mga bisig ng isang makamundong lalaki na
nasusuklam at nandidiri sa akin. Hindi ko na ba makakaya ang aking kalungkutan
mula nang buong linaw na maipamukha sa akin ang aking kapangitan? Sinikap ko
bang mailibing ang lahat sa hibang na sandaling iyon na sumubsob ako sa kanyang
dibdib? O itinutulak din ako ng kahiya-hiyang paghahangad lang na gay rin niya?
Maisip ko lang iyon ay nilulukob na ako ng kahihiyan! Kahihiyan! Kahihiyan!
Lalo na noong ilayo ko na ang aking sarili sa kanyang mga bisig, hiyang-hiya
ako.
Ang pagka-inis at kalungkutan ay naghatid ng walang
katapusang luha sa aking mga mata sa kabila ng pagsisikap ko na huwag umiyak.
Hindi lamang ako nagdadalamhati sapagkat nawalan ako ng dangal, higit sa lahat
ay nahihirapan ako't nagdurusa dahil ako'y pinadidirihang tulad sa isang asong
ketongin na kinasusuklaman at pinarurusahan. Ano ang aking nagawa mula noon?
Ang meron lang ako'y ang pinakamalabong ala-ala niyon na para bang isa iyong
bagay sa malayong nakalipas. Natatandaan ko lang ang kanyang mahabang tinig na
bumubulong, "Patayin natin si Wataru," at dumampi sa aking tainga ang
kanyang bigote habang ako'y humihikbi. Pagkarinig sa mga salitang ito,
kakatwang nakadama ako ng sigla. Oo, sumigla ako't lumiwanag na tulad ng sinag
ng buwan, kung ang sinag ng buwan ay matatawag na maliwanag. Bakit Hindi, Hindi
ba ako inaliw ng mga salitang ito? Ay, Hindi ba ako - Hindi ba ang isang
babae'y isang nilalang na nakadarama ng kaligayahan sa pag-ibig ng isang lalaki
sukdulang patayin niya
ang sarili niyang asawa?
Nagpatuloy ako sa pagluha sa loob nang may malungkot
at masiglang pakiramdam na tulad sa
sinag ng buwan. Kailan ako nangakong makipagtulungan
sa pagpaslang sa aking
asawa?
Noon lamang pumasok sa isip ko ang aking asawa.
Matapat kong sinasabing "noon lang".
Hanggang sa mga oras na iyon, ang isip ko'y
buung-buong nakatuon sa aking sarili atsa aking kahihiyan. Pagkaraa'y nakita ko
ang larawan ng nakangiting mukha ng aking asawa. Malamang na nang sandaling
maalala ko ang kanyang mukha, gumuhit sa isip ko ang plano. Nang mga sandaling
iyon ay disidido na akong mamatay, at ikinagagalak ko ang aking desisyon. Pero
nang huminto na ako sa pag-iyak, nang magtaas ako ng mukha, at tumingala sa
kanyang mukha para
matagpuan ang kapangitan kong nasasalamin doon, dama
ko'y naglahong lahat ang aking kaligayahan. Ipinagunita nito sa akin ang
kadiliman ng paglalaho ng buwan na nakita ko kasama ang aking tagapag-alaga.
Iyon, tulad ng nangyari, ay iglap na nagpalaya sa lahat ng masamang ispiritung
nagtatago sa ilalim ng aking kaligayahan. Dahil nga ba sa pagmamahal ko sa
aking asawa kaya mamamatay ako para sa kanya? Hindi, kundi dahil lang sa
resonableng pangangatuwirang ito, ibig kong pagbayaran ang pagkakasala kong
pakikipagtalik sa iba. Dahil walang tapang na magpakamatay, nasa akin ang
buktot na hangaring makapag-iwan ng
magandang impresyon sa mga tao. Ang kabuktutan kong
ito ay maaari na rin sigurong palampasin. Sa ilalim ng pagkukunwaring mamamatay
ako sa aking asawa, Hindi ba ako nagpaplanong ipaghiganti ang aking sarili
laban sa pagkamuhi sa akin ng aking kalaguyo, sa kanyang pandidiri sa akin, sa
kanyang buhong na pagnanasa? Pinatutunayan ito ng isang sulyap sa kanyang mukha
na pumawi ng mahiwagang kislap na tulad sa mapulang liwanag ng buwan, at
nagpalamig sa aking puso sa matinding pagdadalamhati. Mamamatay ako, Hindi para
sa aking asawa kundi para sa aking sarili. Mamamatay ako, para parusahan ang
aking kalaguyo sa
pananakit niya sa aking puso at para sa aking
hinanakit sa pagdungis niya sa aking katawan. Ay, Hindi lang ako walang
karapatang mabuhay kundi wala ring karapatang mamatay.
Pero ngayon, gaano kainam pang mamatay na lang kahit
sa pinakakahiya-hiyang paraan, kaysa mabuhay. Nakangiti nang pilit, paulit-ulit
kong ipinangako na papatayin namin ang aking asawa. Dahil matalas ang
pakiramdam niya, marahil ay natunugan niya sa mga salita ko kung ano ang
mangyayari kapag Hindi niya tinupad ang kanyang
pangako. Kaya mukhang imposible na pagkatapos niyang mangako ng ganoon ay
aatrasan niya iyon. Tunog ba iyon ng hangin? Kapag naiisip ko na ang mga
dinaramdam ko mula noong araw na iyon ay matatapos na sa wakas ngayong gabi,
nakakahinga ako. Tiyak na ang bukas ay maghuhunos ng kanyang malamig na liwanag
sa aking katawang walang ulo. Kapag nakita iyon ng aking asawa, siya'y… Hindi,
Hindi ko siya iisip. Mahala ko ng aking asawa. Pero wala akong lakas na
gantihan ang kanyang pag-ibig. Isang lalaki lang ang maaari kong mahalin. At
ang lalaki iyon ay darating ngayong gabi para patayin ako. Kahit ang gaserang
ito'y napakaliwanag para sa akin, akong pinahihirapan ng aking mangingibig.
Hinipan ni Kesa ang ilawan. Hindi nagtagal at
narinig ang mahinang tunog ng isang
nabuksang kandado, at bumaha sa loob ang maputlang
sinag ng buwan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento