Mabangis na Lungsod
Ni Efren R. Abue
1. Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali,
lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong
pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang
gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa
hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim
sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na
liwanag ng mga ilaw-dagitab.
2. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang
taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook
na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging
naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan
ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi— at ang
Quiapo.
3. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa
Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan
sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng
gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang
mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na
hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
4. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga
nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng
punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan,
naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si
Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa
at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.
5. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa
mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan.
Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa
na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong
kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang
naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng
kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.
6. “Mama…Ale, palimos na po.”
7. Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na
parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang
hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.
8. “Singko po lamang, Ale…hindi pa po ako
nanananghali!”
9. Kung may pumapansin man sa panawagan ng Adong,
ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay
‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasaktan siya
sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng,
ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
10. At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak,
hindi lamang niya ipinapahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong
nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso,
sa lahat. Walang bawas.
11. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno.
Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
12. At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa
habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong
matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi
nakarating sa kanyang bituka.
13. “Maawa na po kayo, Mama…Ale…gutom na gutom na ako!”
14. Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak
ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng
maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na
ibinuburol ang karukhaan.
15. Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan,
pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao,
papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na
pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan,
kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang
palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.
16. “Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling
Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring
makarinig
17. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong.
Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na
kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring
dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa
kanyang harap ang tao—malamig walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng
kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na
niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa
kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
18. Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang
palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay
nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na
maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang
bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa
kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang taong
lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig,
ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang
ng pagmamadaling pag-iwas.
19. “Adong…ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni
Aling Ebeng.
20. Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling
Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang
maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang
bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi
nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit
niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.
21. “Diyan na kayo, Aling Ebeng…sabihin ninyo kay
Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.
22. “Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni
Bruno. Makita ka ni Bruno!”
23. Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda,
nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa
kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan
ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong
salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot
niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dabitab. Dinama niya ang
tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong
ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay
Bruno, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan,
na kabangisang sa mula’t mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay
matagal din niyang pinakalansing.
24. “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga
yabag.
25. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay
naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang
kanyang paglaya. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na
sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang
maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba, at sa kabangisan.
26. “Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!”
naisigaw na lamang ni Adong.
27. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na
tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya.
Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan
sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento