TIGRE! TIGRE!
(Teoryang Naturalismo)
Ni Mochar Lubis
Salin ni Mauro R. Avena
Ang buong pulo ay
nalalatagan ng gubat, mula sa mabuhanging dalampasigan, kung saan ang tubig na
nabubuong mga alon sa malyong Antartika ay humahampas pagkaraan ng mahabang
paglalakbay, hanggang sa mga taluktok ng bundok na laging nakukumutan ng ulap.
Pabagu-bago ang mukha ng gubat. Sa may dalampasigan, isang latian na hitik sa
bakawan ay bumubuo ng sala-salabat na hadlang. Papasok sa pulo at pataas sa
lupa, ang mga puno’t halamanan ay patuloy sa pag-iiba-iba, at pag-abot sa
dakong loob, ang mga iyo’y naglalakihan at nagtataasan, ang kanilang mga sanga’y
nauukitan ng parang lambat na disenyo ng lumot.
Hindi pa natatagos ng
tao ang kabuuan ng sinaunang gubat, na ang loob ay napakayaman sa buhay. Dito’y
di mabilang ang namumugad na mga ligaw na nilalang. Naglipana rin ang maririlag
na halaman at nagtatayugang punungkahoy na nakokoronahan ng mga eksotikang
orkidya.
Sa bubong ng gubat, kayraming ibon at ibang ibang tsonggo ang
malayang namumuhay, samantalang sa ibaba, sa lupa, walang-puknat ang maingat na
paghahanap ng makakain ang mga itim na leopardo, elepante, at osong tropikal.
Ang mga pampang ng ilog at katabing damuhan ay teritoryo ng mga tapir,
rinoseros, ahas, buwaya, at usa. Nagkalat ang mga insekto.
Maraming parte ng gubat ang nakakatakot. Ang mga ito’y puno ng
latian na pinag-aabangan ng nakakamatay na mga panganib, at mga lubak at guwang
na danta-dantaon nang naiwang basa at madilim. Mayroon ding magaganda at
kaakit-akit na lugar na walang pinag-iwanan sa mga engkantadong gubat ng mga
kuwento. Ang hawan na mga bahaging ito ng sinaunang gubat, na mayamang
naaalpombrahan ng berdeng damo, ay payapa at nakakapagbigay-ginhawa. Kadalasa’y
napapalibutan ang mga ito ng mayuyuming puno ng cemera, na pumupuno
sa hangin ng masansang na a moy ng kanilang dagta. Sa gitna ng maririkit na
lambak na ito, di maaaring di magkaroon ng mga sapa ng malamig at mala-kristal
na tubig, pabula-bula at patila-tilamsik, paawit-awit, at pabulung-bulong.
Walang di naakit na huminto at magpahinga roon.
Sa loob ng gubat ay makakatagpo ng ratan, damar –
isang dagta na ginagamit sa paggawa ng batik – at maraming uri ng mahalagang
kahoy. May mga taong noo’y tumira roon, pero nilisan nila iyon noong sila’y
magtayo ng mga lunsod at nayon kung saan. Ngayo’y paminsan-minsan na lang
silang bumabalik doon, para humanap ng ikabubuhay sa pamamagitan ng paghahakot
sa mga produkto ng gubat.
Pito sa mga lalaking tulad nila ay isang linggo ng nasa gubat sa
pangangalap ng damar. Si Pak Haji ang pinakamatanda. Gayong sisenta anyos na,
siya ay nananatiling malusog at malakas. Matalas pa rin ang kanyang mga mata at
tainga. Ang pag-ahon at paglusong sa bundok, pasan ang mabibigat na kaing damar
o ratan, pasinghap sa nakakapagpasiglang hangin, ay nagpatibay nang husto
sa kanyang katawan. Ipinagmamalaki ni Pak Haji na di niya nararanasan ang mga
karamdamang dala ng pagtanda, at sa tanang buhay niya’y di pa siya naratay sa
banig.
Disinuebe anyos siya nang una niyang iwan ang kanyang nayon at
magpasaibang-bayan. Nagpaunta siya sa Japan, China, Africa, at India, kung saan
niya pinag-aralan ang Koran. Limang taon siyang nagtrabaho sa barko, palakbay
sa malalayong daungan ng mga puti at ng kanilang maiingay at groteskong
siyudad.
Pero tinawag siyang muli na kanyang nayon. Kaya’t pagkaraan ng
dalawampung taong paglalagalag, isang huling biyahe ang kanyang isinagawa – ang
pilgrimahe sa Mecca upang tupdin ang kanyang obligasyong panrelihiyon. Sa ka
siya umuwi. Ipinagpatuloy niya ang pangangalap ng damar, isang gawaing
inumpisahan niya nang siya’y trese anyos, at unang sinamahan ng kanyang ama sa
gubat. Matapos niyang matutuhan ang napakaraming bagay sa mundo, lagi
niyang sinsabi sa kuntento na siya ngayong maging isang hamak na tagakalap ng
damar.
Si Wak Katok ay singkuwenta anyos. May malakas at matipuno siyang
pangangatawan. Maitim pa ang kanyang buhok, ang kanyang bigote ay mahaba at
makapal, at ang kanyang mga braso’t binti ay namumutok sa buhul-buhol na masel.
Ang kanyang mukha ay dinodomina ng buo’t makakapal na labi at makislap
at nananagos sa tinging mga mata. Siya’y eksperto sapencak. Maraming
taong naituro niya sa kalalakihan sa nayon ang tradisyunal na paraang ito ng
pagtatanggol sa sarili. Si Wak Katok ay iginagalang din bilang mahusay na
mangangaso at shaman, o manggagamot.
Ang mga batang miyembro ng grupo ay sina Sutan, na beynte-dos
anyos lang pero mayroon nang sariling pamilya; Talib, na beynte-siyete anyos at
may asawa at tatlong anak; Sanip, na beynte-singko anyos, may asawa at apat na
anak; at Buyung, ang pinakabata, na katutuntong lang sa pagka-disinuebe at
walang asawa.
Ang apat na lalaking ito ay naging estudyante ni Wak Katok sa
pencak. Nag-aral din sila ng mahika sa kanya. Alam nilang darating ang araw na
magiging pinuno ng kanilang nayon si Wak Katok, isang lalaking itinuturing na
lider na marami, at karapat-dapat na igalang at parangalan. Kailanma’y di nila
pinagdudahan ang kanyang salita o gawa. Lumalabas na si Wak Katok ang puno ng
mga mangunguha ng damar.
Ang ikapitong miyembro ng grupo ay si Pak Balam, na tulad ni Wak
Katok ay singkuwenta anyos. Siya’y di palasalita, maliit ang katawan pero gayunma’y
masipag magtrabaho. Sa sinasabing pag-aalsa ng mga Komunista noong 1926, siya’y
nadakip ng mga Dutch at apat na taong ikinulong sa Tanah Merah. Ang bata at
buntis niyang asawa, na sumunod sa kanya sa preso, ay dinapuan doon ng malarya
at nakunan. Dahil dito’y hindi na ito muling nakapagdalantao. Naging sakitin
ito mula noon, at ang pera ni Pak Balam ay naubos sa mga gamot nito.
Magkakasamang lagi ang pitong lalaki sa pangunguha ng damar gayong
wala silang pormal na sosyohan at bawat isa’y may layang magbenta ng kanyang
makalap. Pero dahil pito sila sa grupo, ang pakiramdam nila’y mas ligtas ang
kanilang lagay at mas kaya nila ang kanilang gawain.
Sa mata ng kanilang kanayon, sila’y mabubuting tao. Si Wak Katok
ay iginagalang sa kanyang galing sa pencak at pagiging mangangaso. Nang siya’y
bata pa, napabalita sa nayon ang paggamit niya ng pencak laban saisang osong
humarang sa kanyang daan sa gubat. Pero bilang shaman, siya’y kinatatakutan.
Pabulong lang mabanggit ng mga tao ang tungkol sa kanyang pagiging
salamangkero. May usap-usapan na nagagawa niyang makipag-ugnayan sa mga multo
at masasamang espiritu.
Hinangaan ng mga taganayon si Pak Balam. Itinuturing nila itong
isang bayani dahil sa paglaban sa mga Dutch. Alam nila na hindi ito Komunista.
Napakarelihiyoso nito – malayong maging isang Komunista na di naniniwala sa
Diyos o sa relihiyon. Lumaban maging sa mga kolonyalista si Pak Balam at ang
kanyang mga kaibigan dahil sa pang-aapi ng mga iyon sa taumbayan, na
walang-tigil na pinapatawan ng mga bagong buwis at ninanakawan ng kalayaan at
sariling dangal.
Si Pak Haji ay nirerespeto dahil sa kanyang edad at dahil
nakapaglakbay na siya sa Mecca. Gayunman, hindi siya maintindihan ng mga tao.
Mula nang bumalik siya sa kanyang pangingibang-bayan, naging parang dayuhan na
rin siya. Iniwasan niyang makasal, gayong binubuyo siyang mag-asawa ng
kanyang pamilya. Ayaw rin niyang maging pinuno ng nayon. Sa umpisa,
pinaratangan siyang mapagmalaki ng mga tao, pero di nagtagal, nasanay na ang
mga ito sa kakaiba niyang gawi at di na siya pinagtakhan. Mukhang kuntento na
si Pak Haji na balewalain ng iba.
Sina Suta, Buyung, Talib at Sanip ay itinuturing na disente at
maipagkakapuring mga kabataan, tulad ng karamihan sa mga taganayon.
Iginagalang sila ng kanilang kapwa, tapat sila sa kanilang pagdarasal at
pagsamba sa moske, at tulad ninuman ay nakikipaghuntahan sa kanilang mga
kaibigan sa mga kapihan. Tumutulong sila sa pagtatayo ng bagong bahay o sa
pagpapahusay ng mga daan o patubig. Nakikipagbiruan sila. Mabubuti silang ama,
kapatid, at kaibigan. Tumatawa sila, umiiyak, nangangarap, umaasa, nagagalit,
nabibigatan ng loob, at nalulungkot tulad ng iba sa nayon. Wala silang iniwan
sa ibang tao. Silang karaniwang kabataan.
Ngayo’y nasa loob sila ng gubat.
Dala ni Wak Katok ang kanyang riple. Bihira niya itong dalhin
kapag nangunguha ng damar. Ginagamit lang niya ito kapag nangangaso, na balak
niyang gawin ngayon.
Dalawang buwan na ang nakakaraan, nakakita sila ng ilang usa na
pumasok sa huma, o kaingin, si Pak Hitam, hanap ay pagkain.
Naghawan ng lupa sa gitna ng gubat si Pak Hitam na pinagtayuan niya ng bahay.
Doon nagpapalipas ng gabi ang pitong lalaki kung malapit doon ang pinagkukunan
nila ng damar.
Luma na ang riple, pero mahusay itong armas. Gustung-gusto iyon ni
Buyung. Nakakaramdam siya ng pagmamalaki kapag nakapatong iyon sa kanyang
balikat, pahalinhin kay Wak Katok. Ang riple ay tsapa ng isang lalaki. Ang
isang munting punyal, o kaya’y kris, o maigsing espada na nakasukbit sa baywang
ay palamuti lamang sa kasuotan ng isang lalaki, pero ang baril sa kanyang
balikat ay simbolo ng kontrol na katumbas ay kapangyarihan.
Nasisiyahan si Wak Katok na ipahiram kay Buyung ang riple, na
inaalagaan nitong mabuti. Tuwing isasauli iyon ni Buyung, iyo’y nalangisan na
at nasa mas mahusay na kondisyon kaysa pagkapahiram. Panay ang pahid ng Buyung
sa kanyon niyong may masalimuot na disenyo, kaya’t ang bakal niyon ay kumikinang
nang madilim na asul kapag tinatamaan ng liwanag. Ang kamagong niyong puluhan
ay nangingintab na itim, madalas na parang pelus. Hindi iyon kakikitaan ng
katiting mang alikabok o pulbura.
Nag-iipon si Buyung para makabili ng sarili niyang baril, iyong
mas makabago. Ang lumang riple na binabalaan sa bunganga, tulad ng kay Wak
Katok, ay mabusising ipanghanting. Una, kailangang ibuhos ang pulbura ng
kanyon, saka papiping salaksakin ng barilya. Tapos, ang bala ay kailngang
ipasok sa kanyon at pataktak na pababain. Habang ginagawa ang lahat ng ito, ang
usa o baboy-damo ay maaaring makatakbo na at mawala. Sa baril na sa bunganga
binabalahan, kailangang asintado ang gumagamit – dapat tumama ang unang
kalabit. Walang pangalawang tsansa ang mangangaso.
May dahilang magmalaki si Buyung sa galing niya sa baril. Minsan,
ang inasinta niya ay ang pinakalikod ng tainga ng isang tumatakbong baboy, at
doon mismo tumama ang bala. Sa isa pang okasyon, siya at si Wak Katok – kasama
ang ilang lalaki sa nayon – ay nanghahanting ng isang kawan ng mababangis na
baboy-damo, at sa kaliwang mata ng isang naninibasib sa kanya sumuntok ang
kanyang bala. Ipinakita ni Wak Katok ang kanyang kababaang-loob nang sabihin
hindi niya madadaig ang pamamaril ni Buyung. Galing kay Wak Katok, iyo’y tunay
na malaking papuri, kaya’t kumalat ang reputasyon ni Buyung bilang asintado,
bagay na nagbigay sa batang mangangaso ng parang opisyal na katayuan sa nayon.
Ang dahila’y ang naunang pahayag ng mga taganayon mismo na walang makakapantay
kay Wak Katok sa galing sa pamamaril, pangangaso, pagbasa at pang-unawa sa
lahat ng uri ng bakas at yapak, at sa pangkalahatang kaalaman sa mga ugali at
gawi ng mga nilalang sa gubat.
Bata pa si Buyung ay marami na siyang narinig na kuwento tungkol
sa katapangan at galing ni Wak Katok. Ayon sa mga istorya, kapag ginusto ni Wak
Katok na gamitin ang kanyang mga paraan sa pagtatanggol sa sarili, mapapatay
niya ang kanyang kalaban na di lumalapat ang alinmang bahagi ng kanyang katawan
sa biktima. Sapat nang igalaw niya ang kanyang kamay o paa sa direksiyon ng
kaaway upang iyon ay bumagsak sa kinatatayuan.
Kalat na sa ibang nayon ang reputasyon ni Wak Katok bilang shaman.
Magaling siyang gumamot ng mga karaniwang pasyente, pero natutulungan din niya
ang mga nabibiktima ng kulam. Alam niya kung paano pahirapan ang isang tao,
paibigin, takutin, igalang, o pasunurin sa utos ng iba. May mga inumin siyang
pampaibig para sa lalaki at babae. Ayon sa istorya, isang binatang nahumaling
sa isang babaeng may-asawa ang nakiusap kay wak Katok na gamitan iyon ng
mahika-negra para mapaibig din iyon. Nagpakuha raw dito si Wak Katok ng isang
hibla ng buhok ng babae, at di nga nagtagal, humingi iyon ng diborsiyo sa
esposo, na iniwan niyon pati na ang kanilang mga anak.
Si Wak Katok ay may mga lihim na bulong at dasal, o mantra, para sa
maluwalhating biyahe. Mayroon din siyang mga anting-anting na panlaban sa
anumang sandata o sa kamandag ng ahas. Ayon sa mga tao’y nagagawa rin niyang
magtagabulag – gayon kabigat ang kanyang kapangyarihan.
Tinatrato ni Buyung na mapalad siya’t naging pupilo ni Wak katok
at napabilang sa mga kasamahan nito sa gubat.
Malaki ang pag-asa ni Buyung at ng kanyang mga kaibigan na
tuturuan sila ni Wak Katok ng mga mas kagila-gilalas na aspekto ng salamangka.
Ang gusto talaga ni Buyung ay matutuhang mabuti ang mantra na pang-akit sa
babae. Masama ang tama niya kay Zaitun, ang anak na dalaga ni Wak Hamdani.
Matalik na magkaibigan ang kanilang mga ama, at sina Zaitun at Buyung ay
magkalaro noong sila’y bata pa. Natatandaan ni Buyung ang maraming pagkakataong
walang humpay niyang tutuksuin si Zaitun hanggang ito’y maiyak. Nang magdose
anyos na si Zaitun, iniwasan na siya nito, at bihira na silang magkita.
Nagdalaga na ito, at siya nama’y nagbinata, at di na sila maaaring magtagpo
tulad ng dati.
Hindi masabi ng Buyung kung ano talaga ang damdamin sa kanya ni
Zaitun. Minsa’y magiliw ito. Kung ito’y nauutusang sumaglit sa kanila, may
dalang pagkaing niluto ng ina nito, maganda ang ipinapakita nito kung siya’y
madatnan sa bahay. Maaliwalas ang mukha na nginingitian siya nito at
tatawaging kakak, o kuya, gayong isang taon lang ang tanda
niya rito. Kapag ganoon ang pakita ni Zaitun, napapalukso ang puso ni Buyung,
di mapakali sa kinatatayuan. Pero minsan nama’y darating ito sa bahay at walang
pabati-bating titingnan siya na parang di siya nakikita. Kapag nilalapitan niya
ito habang kinakausap ang kanyang ina, di siya papansinin nito. Paano niya
mahuhuli ang puso ng isang sumpunging babaeng tulad ni Zaitun kung wala ang mga
mantra ni Wak Katok?
Pero ayaw pang ipaalam ni Wak Katok kay Buyung ang ganoong
kabisang karunungan. “Bata ka pa,” sabi nito. “at mainit pang masyado ang dugo
mo. Baka maloko ka sa lahat ng babae ng nayon. Ang birtud na ito ay para
mapangalagaan ang amor propyo ng isang lalaki – kung pagtawanan ka ng isang
babae, o kung talagang gusto mo ang isang babae at ibig mo siyang mapangasawa.
Pero uhugin ka pa. Baka gamitin mo ito sa ibang paraan, halimbawa’y panggayuma
sa asawa ng may-asawa.”
Minsa’y parang nasisira na ang tuktok ni Buyung sa pag-iisip kung
mapapaibig niya si Zaitun. Alaala niya ito bawat sandali. Hinahanap-hanap niya
ito. Ang mukha nito ay laging nasa harap niya. Maya’t maya’y nakikita niya ito
sa kanyang balintataw. Napakaganda nito.
Minsa’y lihim niya itong pinanood habang naliligo sa balon ng
nayon kasama ang mga kaibigan nito. Ang mahaba nitong buhok na itim ay umalong
pababa sa gitna ng likod nito. Balingkinitan ito, ang mga braso’t binti’y
kaakit-akit. Ang balat nito’y maputlang dilaw ng bunga ng duku, at
ang mga ngipi’y pantay-pantay at makinang na puti. Pula ang mga labi nito,
gayong hindi ito ngumunguya ng nganga o tabako. May ganoong nakakainis na bisyo
ang tiya ni Buyung, kaya’t laging may bakas ng katas ng tabako sa labi nito, sa
unan nito, at sa mesa, sa kusina, sa hagdan, sa asala – sa lahat ng dako. Kapag
nakikipag-away ito sa kanyang asawa, iyo’y dinuduraan nito ng nginunguya.
Pakikiusapan ito ng kanyang tiyo na tingnan kung saan dumudura, pero para itong
bingi. Kailanma’y hindi niya papayagang gawin iyon sa kanya ng magiging asawa
niya.
Alam ni Buyung na masisiyahan ang kanyang mga magulang na maging
manugang si Zaitun. Minsa’y alam niyang pinag-uusapan ng mga iyon ang bagay na
ito gayong alam nilang nasa labas lang siya ng kuwarto. Naganap ito isang hapon
nang pumunta sa kanila si Zaitun. Pagkaalis ni Zaitun, narinig niyang sabi ng
kanyang ama, “Mabuti siyang bata. Mukhang maganda ang ugali.”
“Oo”, tugon ng kanyang ina. “Mahusay sa mga gawaing bahay.
Marunong manahi, at paladasal. Maganda siyang bumasa ng berso mula sa abanal na
libro. At nakatapos pa ng pag-aaral.”
“Binata na si Buyung – disin’webe – at magaling magtrabaho,” sabi
ng ama niya.
“Ewan ko lang,” sabi ng kanyang ina. Sa mata nito, may gatas pa sa
labi ang anak.
Kay Buyung ay nasa tama na siyang gulang. Nakatapos na siya sa
iskuwelahang publiko, at dalawang bese na niyang nabasa nang buo ang Koran.
Kaya na niya ngayong maghanapbuhay.
“Ang totoo, maaareglo natin ang kanilang kasal,” narinig niyang
mungkahi ng kanyang ama. “Sa tingin mo ba’y gusto siya ni Zaitun?”
“Lahat ng dalaga sa nayo’y gustong pakasalan si Buyung.”
Natawa ang ama niya. “Sa mata mo, wala nang gug’wapo pa sa iyong
anak.”
Hinintay ni Buyung ang isasagot ng kanyang ina, pero nalipat sa
ibang bagay ang usapan, at ang tanong tungkol sa gusto siya ni Zaitun ay
naiwang bitin.
Alam ni Buyung na gusto siya ng ama ni Zaitun. Tuwing magkikita
sila, tinatanong ni Buyung tungkol sa kanyang trabaho, sa pag-aaral ng Koran,
at iba pa. Minsa’y hiningi nito ang payo ni Buyung tungkol sa pagsasanay ng aso
niyang panghanting. Kilala sa tapang ang aso ni Buyung. Patahul-tahol lang ang
ibang aso para palabasin ang isang baboy-damo sa pinagtataguan. Hindi ang aso
ni Buyung – iyon ang madalas maunang sumalakay.
Walang nakikitang tunay na sagabal si Buyung para pakasalan si
Zaitun. Kung natitiyak lang niyang iniibig siya nito. Sigurado siya sa isang
bagay. Kung hindi nito nararamdaman ang nararamdaman niya rito, hindi niya ito
pakakasalan, kahit magkasundo ang kani-kaniyang mga magulang. Alam ni
Buyung na kadalasa’y pinapakasalan ng isang babae o lalaki ang sinumang
pinipili para sa kanya ng kanyang magulang, pero gusto niyang siya ang pumili
ng kanyang magiging asawa, at piliin din siya nito.
Naiinggit si Buyung sa iba niyang mga kaibigan, tulad ni Sutan.
Bukod sa mas magaling ito sa kanya sa pencak, simpatiko pa ito at mahusay
dumiskarte sa mga babae. Sa negosyo’y di rin ito pahuhuli. Mayroon itong
dalawang palayan, at nagbababa ito ng damar at ratan mula sa bundok para ibenta
sa palengke, at paminsan-minsa’y naglalako rin ito ng karne ng kambing at baka.
Pero ang mga taong pinakakontento, naisip ni Buyung, ay yaong
tulad ni Sanip. Tunay na masayahin si Sanip. Ganado itong magpatawa at
magkuwento ng mga katuwa-tuwang istorya. Nagkakandabaluktot sa pagtawa ang
nakakarinig ng di mabilang na kuwento niya tungkol sa mga opisyal ng nayon.
Kinaiinggitan ni Buyung ang pagkamasayahin ni Sanip, pero di niya maubos maisip
kung paano ang isang tulad nito na may asawa na at apat na anak ay parang binata
pang walang problema kung umasta. Di ba’t nagdaragdag sa maturidad ng isang tao
ang maraming responsibilidad? Sabagay, mabuti na rin kung di iyon dinidibdib.
Halimbawa, kung hirap nilang pasukin ang gubat dahil sa lakas ng
ulan na nagpapadulas sa daan at bumabasa sa kanila hanggang buto, sasabihin ni
Sanip, “Wala, ‘yan. Pagkapawi ng ulap ay langit.” Kapag nagreklamo si Sutan sa
bigat ng kanyang pasan, sasabihin ni Sanip, “Huwag ka nang umungol. Isipin mo
‘yong perang pagbebentahan mo n’yan.”
Ibibigay ni Buyung ang lahat makatingin lang ng ganoon sa buhay.
Minsan, nang sila’y nanghahanting, gamit ang riple ni Wak Katok na
pinaputukan ni Buyung ang isang usa, pero dumaplis lang ang tama at ang hayop
ay nakaalpas. Buong araw na naghanap ang mga lalaki, pero di nila nakita ang
sugatang usa. Panay ang sisi ni Buyung sa sarili, pero tulad ng inaasahan,
tinanong siya ni Sanip, “Ba’t mo poproblemahin ‘yon? Magkakaanak ang usang iyon
– mas marami kang mahahanting pagdating ng araw.”
Lalong sumama ang loob ng batang mangangaso sa pang-aalo ni Sanip,
at paangil itong sumagot, “Pa’no mo nalaman? Posibleng nahuli ‘yon ng tigre.”
“E ano? Di ‘yon ang katapusan ng lahat ng usa sa gubat. Ang
mahalaga,” pakindat na dagdag nito, “ay humusay ka sa pagbaril.”
Natanto noon ni Buyung ang pagiging mapagbigay sa kanya ni Sanip
at ng iba niyang mga kaibigan.
Laging may dangung-dangung, o parang alpa ng mga
Hudyo, sa bulsa ni Sanip, at tinutugtog niya tuwina may pagkakataon. Maimbeto
siyang musikero. Kung gusto niyang magpasaya, kakalabit lang siya ng masiglang
himig. Nagagagawa niyang kalimutan ng mga lalaki ang kanilang pagkakimi, at
saglit pa’y naroon na sila’t nakikisali sa sayawan at kantahan. Pero misan, ang
maririnig sa kanyay ay awit na parang nagpapaiyak sa munting musikero. Kadalasa’y
tinutugtog niya ang gayong nakakapaghimutok na mga balada kapagsila’y nakaupo
sa paligid ng siga sa gitna ng gubat. Si Talib ang unang sumusuko sa pang-akit
ng nakakataas-balahibong musika, at nag-uumpisang kumanta. Sa pagkakataong
iyo’y ilalabas naman ni Buyung ang kanyang plawta at silang tatlo’y
magsasabayan sa malulungkot na berso. Taas-baba ang mga nota ng
dangung-dangung, sa saliw ng mapangulilang plawta, habang paawit na inuulit ni
Talib ang mga daing at paghihirap ng isang lalaking naghahanap ng karinyo at
pag-unawa.
Ang maskulado at mukhang mabagsik na si Wak Katok ay di magawang
di mabagbag sa musika. Ang walang ekspresyon niyang mukha ay
nagmimistulang mapangarapin, sa wari’y naglalakbay ang kanyang diwa. Si
Pak Haji ay mauupo roong lunod sa sariling iniisip, pikit ang mata, ang
sigarilyong gawa sa dahon ng palmera na nakaipit sa pagitan ng hinlalaki at
hintuturo ay upos na lamang at limot na.
Paikot sa siga na nakaupo ang pito, ang bawat isa’y may
kani-kaniyang mga alaala at pagnanasa, at sa paligid nila ay ang gubat, maitim
at ga-higante.
Tahimik na lalaki si Talib, matangkad at payat at ibang-iba kay
Sanip. Sa kanya, ang mundo -- at ang buhay sa kabuuan – ay madilim at
nakakatakot. Lagi siyang binubuwisit ng asawa. Minsan, sabi kay Buyung ni
Rancak, ang batang kapatid na babae ni Zaitun, narinig nito si Siti Hasanah,
ang asawa ni Talib, na walang hupang pinagagalitan ni Talib, mula umaga
hanggang hapon, pero ni minsa’y hindi iyon sumagot at nagsawalang-kibo na
lamang.
Magkagayunman, mahusay na magkaibigan sina Talib at Sanip, at
laging magkasama sa lakad. Kapag umulan habang sila’y magkakasama sa gubat at
sila’y sumilong saisang kubol na gawa sa dahon ng saging, si Talib ang
magsasabi, “Buong araw tatagal ang lintek na ulang ito!” Sa masayahing boses,
babalikan siya ng ganito ni Sanip, “S’werte lang – makakapagpahinga tayo!”
Matatawa ang lahat at mapaparelaks.
Minsan, nakakalap sila ng pambihira sa daming damar at hirap na
hirap sa kanilang pasan. “Anong s’werte”, sabi ni Sanip, habang nagkakandakuba
sa paglakad. “Doble ito sa kadalasan nating nahahakot.”
“Ha, kundi maanod pagtawid natin sa ilog!” masaklap na sukli ni
Talib.
Hindi palasalita si Talib, pero madilim man ang tingin nito sa
bagay-bagay, ito’y matapang. Minsan, nanghahanting ang isang taganayon ng
baboy-damo. Napaligiran na ito ng mga aso. Kaya nilapitan niya ito para
sibatin. Pero nakailag ang baboy paghagis niya ng sibat, at siya ang
sinibasib., di alintana ang nagtatahulang aso. Hindi nagdalawang-isip si Talib.
Hawak ang sariling sibat, sinaklolohan niya ang lalaki. Ilang sandali pa, ang
nasibat na baboy ay nilalapa na ng mga aso.
Hanga rin si Buyung sa di-palakibong si Pak Haji. Katamtaman ang
taas ng matanda, at gayong puti na lahat ng buhok nito, iyo’y malago pa. Kaya
pa niyang pasanin ang kasimbigat na damar na kaya ng iba sa kanila, at gayong
matipid siyang magsalita, nasisiyahan siyang makinig sa usapan ng iba at
makisali sa kanilang tawanan. Kung talagang pipilitin, nagkukuwento siya ng
tungkol sa kanyang paglalakbay sa mga gabing nakaupo sila sa tabi ng siga.
Ayon sa kanya, nang una niyang lisanin ang nayon, napilitan siyang
magtrabahador, magkusinero at maging katulong sa kuwadra ng Sultan ng Johore
bago siya nagkaroon ng sapat na pera para makapunta sa Singapore. Naging siklista
rin siya sa isang sirko. Sumama siyang magbiyahe sa sirko, na pag-aari ng isang
Intsik, hanggang sa Bangkok. Doo’y napilitan niyang iwan ang kanyang trabaho
nang tangkain siyang saksakin, dahil sa matinding pagseselos, ng asawa ng
mang-aawit na Intsik. “Palagay ko’y di tama ‘yon,” tawa ni Pak Haji, “kaya
umalis ako.” Tapos, nagkusinero siya sa isang barko na naglalayag sa pagitan ng
India at Japan. Napamangha ang mga magkakasama sa kanyang mga kuwento ng
naglalakihang siyudad, tulad ng Shanghai at Tokyo, at ng daungang tulad ng
Maynila, Penang, Rangoon, at Calcutta. Nang sa wakas ay lumunsad siya sa
Calcutta, di na siya bumalik sa barko. Imbes, nagpatuloy siya sa Lahore, kung
saan niya pinag-aralan ang Islam sa ilalim ng isang guro. Mula sa India, naglakbay
siya sa lupa, kasama ang ilang tao, patungo sa Arabia.
“Ilang buwan kaming nasa daan”, sabi ni Pak Haji. “Sa pagitan,
marami akong sariling lakad na ginawa. Naging katulong ako ng isang
salamangkero. Isa siyang malaking Afghani na nakakahiwa ng dila ng isang ibon
at muli niya iyong nabubuo. Minsan, pagdaan namin sa isang bayan na bahagi ng
kanyang pinagtatanghalan, hinamon siya ng isa ring salamangkero na gawin ang
kanyang mahika sa dila ng isang bata. Ayaw niyang mabisto, kaya tinanggap niya
ang hamon. Nagkaroon ng palabunutan, at ang Afghaning ito ang natokang
mauna. Bago siya nag-umpisa, binulungan niya akong bumalik sa aming tulugan at
balutin ang aming gamit. Nagbabalot pa lang ako’y bigla siyang sumulpot sa
k’warto, sinunggaban ang ilang bag at pasigaw na pinasunod ako sa kanya. Di ko
alam kung ano ang nangyari, pero masama ang kutob ko, kaya dinampot ko ang
madadala ko at patakbong sinundan ko siya. Sa dulong likuran namin ay dinig na
dinig ko ang hiyawan ng galit na pulutong. Dagli kaming nakalabas ng s’yudad,
papasok sa mabatong mga gulod na pinagtaguan namin. Hinanap kami ng mga tao
hanggang sumapit ang gabi. Pagkatapos, nang tanungin ko ang salamangkero kung
ano ang nangyari, bigay-hilig itong tumawa, padukot ng pera sa kanyang bag na
pambiyahe.
“Bago ako nag-umpisa, hiniling kong magbayad muna sila. Pagkalikom
ko ng pera, mabilis kong hiniwa ang dila ng bata, maliit lang sa dulo nang di
ito masaktan. Tapos, sabi ko’y maghintay sila habang kumukuha ako ng gamot.
Imbes, sa k’warto natin ako tumakbo!”
“Pero ba’t ka tumakbo?” tanong ko.
“Dahil hindi ko kayang ibalik sa dati ‘yong dila.”
“Pa’no ‘yong bata? Sinong mag-aayos ng kanyang dila?”
“Di ba may isa pang salamangkero, ‘yong kalaban ko, na sasi kaya
n’ya ‘yon? Di subukan niya. Kung di niya ‘yon magagawa, gugulpihin siya ng mga
tao,” at buong lakas siyang tumawa.
Wala sa kanilang nakakatiyak kung totoo nga ang mga kuwento ni Pak
Haji, pero sino ang makakapagsabi?
Pagkatapos ng pilgrimahe sa Mecca, nagtripulante siya sa isang
barko para makauwi. Tumigil iyon sa maraming daungang Aprikano at Europeo bago
bumalik, sa wakas, sa Indonesia. Sinabi niya’y sinubukan niayng manirahan sa
ibang bansa, pero, lagi, ang puso miya’y hinahatak ng nayon. May gayuma sa
kanya ang gubat, at iginagalang niya ang lahat ng taong may kinalaman dito.
Sinabi niya sa mga kasama na ang mga taong nagtatrabaho sa gubat ay di naiiba
sa mga tripulante ng isang barko, gayong, liban dito, ay wala nang
pagkakapareho ang dagat sa gubat.
“Sumusikat ang mga bituin sa langit sa ibabaw ng tubig, pero
walang mga halaman o hayop, walang ingay ng gubat. Dito’y ligid tayo ng
naglalakihang puno at mga ligaw na hayop – ang ila’y maingay, ang ila’y
tahimik. Malapit tayo sa lupa. Sa barko sa gabi, ang naroon lamang ay ang
hungkag na dilim.”
Papunta sa gubat para manguha ng damar, kailangang iwan ng mga
lalaki ang kanilang nayong Air Jernih, na nasa baybayin ng Danau Bantau sa
bunganga ng Sungai Air Putih. Papasok sa gubat, pumirme sila sa gilid ng Air
Putih, pabaybay dito hanggang marating nila ang bulubundukin. Hindi kayang
suungin ng bangka ang malalim at maalimpuyong ilog dahil peligroso ang malalaki
nitong bato at matuling agos. Sa maraming patag na lugar, ito ay may malalalim
na lubak na puno ng isda. Sa madalas na pangisdaang parte na malapit sa nayon,
bihira at maliliit ang isda, pero sa loob ng gubat, madaling makahuli nito sa
pamamagitan ng bitag o lambat. Laging sa malapit sa mahusay pangisdaang lubak
nagkakampo ang pitong lalaki.
Makaraang umakyat-manaog buong araw sa bundok sa pangungulekta ng
damar, nakakaginhawang maupo sa ibabaw ng isang malaking bato at mangisda. Ang
salpok ng tubig sa batuhan, ang mahinang simoy ng hangin sa mga dahon, ang
ingay ng mga unggoy na umaalingawngaw tulad ng tunog ng mga tambol – ang mga
ito’y sama-samang nagbibigay ng damdamin ng pakakuntento.
Umaabot ng isang linggong paglalakad mula sa Air Jernih hanggang
sa gubat ng damar. Ang mga lalaki’y may baong bigas at sili na
isinasaaksak sa mga kawayang bumbong, kaunting suka, asin, kape, asukal, at
palayok para pagsaingan aat pagpakuluan ng tubig. Kung di sila nakapagdala ng
lambat o mga bitag, nagtatayo sila ng mga kawayang panghuli ng isda sa batuhan.
Paminsan-minsa’y nakakahuli sila ng mga kalapating kakahuyan na bumababa sa
gilid ng ilog upang maghanap ng pagkain. Kung walang sariwang ulam, nag-iihaw
sila ng daing na isda o tapa na dala rin nila mula sa nayon. Masuwerte sila at
ang kaingin ni Pak Hitam ay di malayo sa gubat na pinagkukunan nila ng damar.
Matanda na si pak Hitam, halos sisenta anyos na. Sabi ng iba’y mas
mukha siyang siyento anyos. Malakas siya, at pambihira ang pagkaitim ng balat.
Tulad iyon ng isang Indian. Itim na itim pa rin ang kanyang buhok at lagi
siyang nakasuot ng itim na pantalon, kamisadentrong walang manggas, at turban.
Walang hindi natatakot sa nakakakita sa kanya. Isa siyang itim na pangitain.
Nagkalat ang kuwentong-nayon tungkol sa mga taong birtud ni Pak
Hitam. Isa siyang [popular na guro ng silat, isang paraan ng
pagtatanggol sa sarili, at ng okultismo. Takot sa kanya sina Sutan, Talib,
Sanip, at Buyung, pero hindi nila iyon ipinahahalata. May istoryang nagsasabi
na kasapakat daw siya ng mga masasamang espiritu, mga diyablo, at ng mga
sobrenatural na nilalang na nakakapagkatawang-hayop o tao, o jinn.
Siya raw ay protektado ng isang tigreng may tagabulag na nakakapagdala sa kanya
sa kung saan niya gusto. Ang sabi’y maraming pagkakataong inilipad siya nito sa
banal na lunsod ng Mecca.
Ayon sa leyenda, hindi siya tinatablan ng kahit ano. Minsan,
sa rebelyon laban sa Dutch noong 1926, si pak Hitam ay naaresto at
pinagtangkaang patayin ng ilang sundalong Dutch, pero hindi tinagusan ng
kanilang bala ang kanyang katawan. Sa isa pang pagkakataon, ayon din sa
istorya, hinabol daw siya ng mga sundalong Dutch at napaligiran sa isang sagingan.
Bumuo ng isang bilog ang mga sundalo, at maingat na hinigpitan ang kanilang
hanay hanggang ni iskwirel ay di maaaring makaalpas sa pagitan ng kanilang mga
paa. Pero bigla na lang nakita ng isa sa kanila si Pak Hitam na nakasandal sa
isang punong saging. Lumundag ang sundalo at pawasiwas sa sableng tinaga siya
nito sa leeg. A, pero ang napugutan ay di si Pak Hitam kundi ang punong saging!
Ilang oras siyang pinaghahanap ng mga sundalo, pero wala silang nakitang bakas
ng kanilang mailap ng kaaway.
Pagkasugpo sa pag-aalsa, matagal na walang naging balita tungkol
kay Pak Hitam. Isang araw, basta na lamang siyang lumitaw na puro ari-arian.
Isa na siya ngayon sa pinakamayamang lalaki sa nayon. Walng makapagsasabi kung
bakit hindi dumating ang mga Dutch upang siya’y dakpin. Ipinalagay ng mga tao
na iyo’y may kinalaman sa kanyang mahika.
Sari – sari ang kuwento tungkol sa kung paano siya nagkamal ng
yaman. Ayon sa isa, kabilang siya sa isang grupo ng mga dating rebelde na
nagtago sa gubat at naging mangungulimbat at tulisan. Ayon sa isa pa’y mayroon
siyang lihim na minahan ng ginto na mag-isa lang niyang tinatrabaho upang
walang ibang makaalam kung saan ito naroroon. Tunay na may bahid ng ginto ang
buhangin ng Air Putih, at kung tag-init, kapag walang gaanong magawa ang mga
taganayon, aakyat sila ng ilog para salain iyon, pero mahirap ang gayong gawain
at di sigurado ang tubo. Nagkaroon ng balita na minsa’y may kung sinong
nakatagpo ng isang malaking piraso ng ginto, pero walang sinumang nakakita
niyon.
Apat ang naging asawa ni Pak Hitam. Ang sabi ng mga tao, sa buong
buhay niya’y mahigit isang daang beses siyang nagpakasal, at sa isang donselya
sa bawat pagkakataon. Nagkalat ang kanyang mga anak sa mga kalapit-nayon, at
ayon sa usap-usapan, di na niya mabilang, o matandaan kung sinu-sino ang mga
iyon.
Pag-uwi niya minsan sa Batu Putih, pinaratangan niya ang isang
kabataan sa pagkilos niyon na parang sa kanya ang bahay ng matanda, at matigas
niyang sinabi, “Sino ka ba? Kung makaarte ka’y bahay ito ng tatay mo.” Sagot ng
bata, “Bahay nga ito ng aking ama. Ang aking ina ay si Ibu Khadijah.”
Maaaring dahil sa mga ganitong bagay kung bakit mas gusto ni Pak
Hitam na buwanang malayo sa kanyang nayon at tumira sa bahay niya sa Bukit
Harimau sa gitna ng gubat, tatlong araw ang layo mula sa Batu Putih. Dito’y
hindi niya kailangang problemahin ang mga taganayon at ang kanilang
walang-tigil na panghihimasok sa kanyang buhay.
Kapag pumupunta si Pak Hitam sa kanyang bahay sa gubat, lagi
niyang dala ang isa sa kanyang papalit-palit na asawa. Kilalang-kilala na ng
kanyang mga bisita ang mga babaeng isinasama niya. Ang pinakamaganda’t bata ay
si Siti Rubiyah, na pinakasalan niya dalawang taon na ang nakakaraan, pero
hindi pa siya nito nabibigyan ng anak. Sa mga taganayon, ang ibig sabihin
niyo’y nawala na ang kanyang birtud. Sa unang taon pa lang ng kanilang kasal,
ang bawat isa sa iba niyang mga asawa ay nakapanganak na. Ayon kay Sanip,
makipagkamay lang ang isang babae, ito’y agad nabubuntis. Gayon kabagsik ang
pagkabarko niyon.
Kung hindi sila dinadala sa malayo ng kanilang trabaho sa gubat,
tuwina’y sinisikap ng pitong lalaking makabalik sa bahay ni Pak Hitam bago
dumilim. Pero kung makakulekta sila ng maraming damar nang may kalayuan sa
kanyang huma, at matatagalan kung sila’y babalik doon, sa gubat na lang sila
nagpapalipas ng gabi.
Ang bahay ni Pak Hitam ay nakatukod sa matataas na poste. May
malawak na beranda sa harap. Ang kusina ay nasa isang sulok nito, sa may
bintana. Nagtambak ng buhangin sa lapag si Pak Hitam at gumawa ng mga istanteng
tabla. May dalawang kalang de-uling sa buhangin at doon nagluluto ang kanyang
asawa. Nakabitin sa ibabaw ng mga kalan ang tapang usa at daing na isda,
sibuyas, sili, at ilang klase ng tuyong hiyerba.
Ang beranda’y nahihiwalay sa pinakabahay ng dingding na sawali. Sa
likod ng dingding ay may dalawang kuwarto – ang isa’y tulugan nina Pak Hitam at
ng kanyang asawa, at ang isa pa’y taguan ng gamit. Sa huli niya inlalagay ang
kanyang damar at ripleng panghanting, bukod sa ibang bagay. Napasok na minsan
ni Buyung ang kuwartong ito, nang ipakuha sa kanya ni Pak Hitam ang riple.
Nakita nitya roon ang dalawang malaking baul na yari sa itim na kahoy na
nalilinyahan ng pampatibay na tansong kulay berde na sa tanda. Nagtataka si
Buyung kung ano ang laman ng baul, pero pareho iyong may mabibigat na kandadong
bakal. Naisip niya na maaaring puno ng ginto ang mga ito, tulad ng napapabalita
sa nayon, pero ipinapalagay niyang isa iyong kabaliwan. Sa isang baul sa isang
kaingin sa gubat nagtatago ng ginto si Pak Hitam? Napakadali iyong nakawin ng
sinumang magnasa. Pero, sa kabilang dako, sino ang maglalakas-loob?
Sa sahig ng beranda laging natutulog ang mga mangunguha ng damar.
Kung doon sila nagpapagabi, ipinagluluto sila ng asawa ni Pak Hitam ng kanilang
kanin, tokwa, at sari-saring gulay. Nasisiyahan dito ang mga lalaki dahil
madalas na naiiba sa kanila ang paghahanda ng pagkain ng babae, atang bawat
asawa ni Pak Hitam ay mahusay magluto. Dinadagdagan nito ang kanilang baon ng
gulay mula sa sariling hardin.
Ang gustung-gusto nila ay ang murang ube, mais, o kamote na
iniihaw sa nagbabagang uling. Umagang-umaga’y makikita si Buyung o Sanip sa
kusina, abala sa pag-iihaw. O kaya’y kung gabi, bago sila matulog, at habang
lahat ay nag-iistoryahan, gusto nilang maupo sa paligid ng parilya habang
pinagmamasdan ang pagkaing lumalagitik sa baga. Ang ganitong dibersiyon, sampu
ng mainit na kape, ay nagpapalipas ng panlalata at pagod ng isang araw na
trabahong-kalabaw sa gubat.
Sa gabing tulad niyon, ilalabas ni Sanip ang kanyang dangung-dangung
at tutugtug sa sarili niyang estilo. Minsan, nang kumanta siya ng tungkol sa
isang babaeng iniwan ng asawa, napansin ni Buyung si Siti Rubiyah na tahimik na
nagpapalis ng luha sa mata.
Gusto nilang lahat ang bata at kaakit-akit na si Siti Rubiyah.
Kung hindi lang siya lokong-loko kay Zaitun, madali sanang mapaibig dito si
Buyung. Pero ito’y may-asawa, at si Pak Hitam pa. Sapat na iyon para pigilin ni
Buyung ang pag-iisip dito, pero aminado siyang maganda ang katawan nito. Ang
mga suso nito, gayong maliit, ay tayo at may hubog. Ang mukha nito, sampu
ng tuwid na ilong, mabasa-basang mga labi, at bilog na nangingislap na mga
mata, ay itinatampok ng mahabang itim na buhok na abot-baywang. Madalas
pagmasdan ni Buyung ang nakalugay na buhok niyon—makapal at nangingintab –
habang ito’y abala sa hardin. Kung naroon ito kapag tanghaling-tapat, ang mga
pisngi nito’y namumula, kaya lalo itong nagiging kaakit-akit.
Kapag nasa gubat ang apat na kabataang lalaki, di kalapit ang
matatanda, si Siti Rubiyah ang kanilang pinag-uusapan.
“Sabihin ko sa inyo, pinasukan ko sana siya kundi si Pak Hitam ang
kanyang asawa,” sabi ni Talib.
“Ako rin, pero kung siya’y dalaga pa,” dagdag ni Buyung.
“Kagabi’y napanaginipan ko s’ya,” sabi ni Sanip. “Napuna n’yo ba
kung pa’no halos lumuwa sa kanyng blusa ang kanyang suso tuwing yuyuko s’ya
upang hipan ang gatong?”
“Kaninang umaga’y tinulungan ko s’yang maggparikit,” parang tugon
na sabi ni Buyung.
“Napuna n’yo ba kung pa’no siya tingnan minsan ni Pak Hitam?”
makahulugang tawa ni Sanip.
“Sa edad n’ya, maiisip pa ba n’ya iyon?” may pagkamanghang tanong
ni Talib.
“Oo nga, di ba napakatanda na n’ya para r’on?” ibig malaman ni
Buyung.
Natawa si Sanip. “Pakinggan n’yong magsalita itong si Buyung,”
sabi niya. “Nakalimutan mo na ba ang kasabihan tungkol sa niyog? Mas marami raw
langis na mapipiga sa niyog kaysa buko.” Napahiyaw sila sa pagtawa.
“Hindi bale – di kasintalas ni Wak Katok ang mga mata ni Pak
Hitam,” sabad ni Sutan. “Nakita n’yo ba kung pa’no niya pagmasdan si Siti
Rubiyah ‘pag wala si Pak Hitam? Hinuhubaran n’ya ito ng kanyang mga mata, at
higit pa r’on ang ginagawa niya sa kanyang isip, sabihin ko sa inyo. Sabagay,
gusto ko ring gawin ‘yon.”
Nagpalitan sila ng makahulugang tingin.
“Bata o gurang,” sabi ni Sanip, “pag nakakita ng seksing babae ang
isang lalaki, isang bagay lang nasa isip niya.”
“Hindi ako,” sabi ni Buyung. “Okey siyang talaga, pero di ako
kasintapang n’yo. Takot ako kay Pak Hitam.”
Natawa kay Buyung ang tatlong may-asawang lalaki. “Di ka pa
binyagan at di mo pa naiintindihan. Di ka pa nakakasiping sa isang babae,
kundi’y di ka magsasalita nang ganyan. Wala ka pang alam sa bagay na ‘to.”
Kampante silang nagpalitan ng tingin, pahagikgik ng tawa kay Buyung na kulang
pa ng karanasan.
“Hintayin mong maikama si Zaitun, tapos maintindihan mo ang
lahat,” sabi ni Sutan, patungo sa direksyon ni Buyung.
Namula si Buyung. Alam nila ang tungkol kay Zaitun. Lalong natawa
ang mga lalaki nang makita ang pamumula sa mukha ng bata nilang kaibigan.
“Sigura, bago ka sumiping kay Zaitun,” sabi ni Talib, “ di
masamang magpraktis ka muna kay Siti Rubiyah.”
Sa gitna ng alon ng tawanan, sumabad si Sutan, “Ni hindi mo
kailangan ang kama.”
“Di ko maintindihan kung ba’t kailangan pa n’ya ng apat na asawa,”
reklamo ni Sutan paghupa ng tawanan. “Matanda na siya’t sakitin. Ba’t kailangan
niyang makasal sa mga batang tulad ni Siti Rubiyah?
“Gan’on talaga,” sabi ni Sanip. “Gusto ng matatandang lalaki ng
batang asawa, at ganoon din ang matatandang babae. Ito ang nagpapabata sa
kanila.”
“Anak ng – kahit mag-asawa ng batang babaeng tulad ni Siti Rybiyah
ang isang matandang lalaking tulad ni Pak Hitam, di niyon mapapabagal ang
kanyang pagtanda. Mapapadali lang niyon ang pagpunta niya sa hukay,” singhal ni
Sutan.
Pagkatapos ng usapang iyon, mas binibigyang-pansin ni Buyung ang
kanyang mga kaibigan kapag katabi si Siti Rubiyah. Nakapuna siya ng pagbabago
sa kanilang kilos. Lantad masyado ang kanilang kunwa’y kawalang-bahala, tuloy,
ipinapakita nilang iba
ang kanilang nadarama sa kanilang inaasal. Takot si Buyung na maaaring napupuna
iyon ni Pak Hitam.
Pero nitong mga nakaraang ilang buwan, kadalasa’y may sakit si Pak
Hitam at napipirme sa kanyang kuwarto. Binibisita siya roon nina Pak Haji, Wak
Katok, at Pak Balam, pero ang mga nakababatang lalaki ay pumapasok lang doon
upang magbigay-galang at agad na lumalabas uli. Takot sila kay Pak Hitam at
kailanma’y di sila mapakali sa harap nito.
Pumapayat si Pak Hitam.
Lubog ang kanyang mga mata, at halos puti na lahat ang kanyang bigote’t balbas.
Pero itim pa rin ang kanyang buhok, at kahit may-sakit, mukha pa rin itong
mabalasik at nakakapanduro. May kung anong bagay ang angkin ng matibay na
matandang lalaking ito na nagbibigay-takot sa mga tao. Wala itong iniwan sa
isang may-sakit na tigre na kahit masukol ay mabilis pa ring nakakapanibasib at
nakakamatay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento